Sa loob ng ilang buwan, kinupkop at inalagaan ni Mommy Sam ang unggoy na si Chicky hanggang sa gumaling mula nang ma-rescue sa Rizal. Pero dahil bawal mag-alaga ng unggoy sa bahay nang walang kaukulang permit, kinailangan na pakawalan at iwan si Chicky sa isang isla.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita na putol ang isang paa ni Chicky, na tinamo raw ng unggoy nang maipit sa baging kaya siya sinagip ng mga kapitbahay ni Sam sa Binangonan, Rizal.
.
Si Mommy Sam ang nag-alaga kay Chicky sa loob ng apat na buwan hanggang sa gumaling ang unggoy. Sa panahong iyon, makikitang napamahal na sa isa't isa ang dalawa.

Pero dahil batid ni Sam na bawal mag-alaga ng naturang hayop sa bahay nang walang kaukulang dokumento, naisipan niyang pakawalan na lang si Chicky sa isang isla na puwede pa rin niyang puntahan.

Noong una, ayaw pa ni Chicky na bumitaw kay Mommy Sam nang pakawalan na siya sa isla. At nang bumitiw na, ilang beses pa siyang bumalik kay Sam, bago tuluyang lumayo.

"Ito'y hayop lamang pero 'pag nakasama mo, talagang napamahal na 'ko nang histo sa unggoy na ito. Pero talagang tanggap ko sa sarili ko na hindi ito magtatagal sa akin at kailangan nga itong pakawalan," sabi ni Sam.

Pagkaraan ng isang linggo, binabalikan ni Mommy Sam si Chicky sa isla. Noong una, nag-alangan pa ang unggoy na lumapit sa kaniya nang tawagin niya.

Pero kinalaunan, lumapit din si Chicky kay Mommy Sam at kinain ang pasalubong sa kaniya na kamatis at kalamay.

Sa mga sumunod na linggo na pagdalaw ni Sam kay Chicky, napansin niya na ang pagpayat nito. Ayon sa nagbabantay sa isla, hindi laging may bunga ang mga puno sa isla kaya walang regular na makakain ang hayop.

Kaya naman nananawagan si Mommy Sam na sana ay may makatulong sa kaniya upang maihanap ng lugar o sanctuary na puwedeng pagdalhan kay Chicky upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng unggoy.

Handa raw si Sam na malayo kay Chicky basta masisiguro lamang ang kapakanan ng hayop na napamahal sa kaniya nang lubos. -- FRJ, GMA Integrated News