Hinangaan ang dalawang bumbero dahil sa pagbibigay nila ng CPR (cardiopulmonary resuscitation) sa isang aso na na-suffocate sa sunog na naganap sa Mandaue City, Cebu. Maisalba kaya nila ang buhay ng kawawang aso?

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang nag-viral na video na magkatuwang ang dalawang bumbero sa pagbibigay ng CPR sa walang malay na aso na si "Whitey."

Nailabas nila sa nasusunog na bahay si Whitey pero wala na itong malay matapos ma-suffocate dulot ng makapal na usok.

Binigyan ang aso ng CPR at makailang ulit na hinilamusan, at hinihipan din ng bumbero ang kaniyang bibig para magkahangin.

Bagaman walang nagbabago sa kalagayan ng aso, hindi naman agad na sumuko ang mga bumbero sa pag-pump sa kaniyang dibdib at paghipan sa kaniyang bibig.

Gayunman, hindi humantong sa happy ending ang pagsagip sa aso dahil nabigo ang mga bumbero na ma-revive si Whitey.

Napuna ng ilang netizens na may nakakabit na kadena kay Whitey, na nangangahulugang posibleng nakatali ito kaya hindi agad nakalabas sa nasusunog na bahay.

Ngunit ayon sa amo ni Whitey, hindi nila itinatali ang aso. Umalis umano sila nang magkasunog kaya kinailangan niyang iseguro ang alaga.

Bukod dito, wala raw may gusto sa nangyari dahil itinuturing na rin nilang bahagi ng pamilya si Whitey.

Sa kabila nito, marami ang humanga sa mga bumbero na sinubukang sagipin si Whitey.

Tumanggi ang mga bumbero na humarap sa media, na sinasabing ginagampanan lang nila ang kanilang trabaho.

Nakiusap sila sa pet owners na palaging tiyakin ang kaligtasan ng mga alagang hayop.

Bukod kay Whitey, ilan pang aso sa lugar ang nagtamo ng mga paso dahil sa sunog.

Muli silang nagpaalala na lahat ng buhay ay mahalaga. -- FRJ, GMA Integrated News