Iniiwasan at kinatatakutan noon ang isang inabandonang aso dahil sa marumi at inakalang maysakit ito. Ngunit isang babae ang hindi siya sinukuan at nabigyan ng panibagong maayos na buhay. Alamin ang kaniyang kuwento.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang panginginig at pangingisay ng naturang aso na kinunan ng video ng dog rescuer na si Riza Lee.
Inabandona umano ang aso ng may-ari nito na lumipat na ng ibang tirahan.
"Nilapitan ko kasi sabi ko, nakakaawa naman. Kasi iniisip namin nu'ng friend ko, baka pinalo. Naghahanap kami ng bakas sa katawan niya kung pinalo or kung anong ginawa nu'ng tao. Ngayon, wala naman po," sabi ni Lee.
Pinangalanan ni Lee ang aso na si "Buddy."
Kinabukasan matapos ang ginawang pagsagip ni Lee kay Buddy, pumunta sila sa beterinaryo at nagulat si Lee sa sinabi sa kaniya ng doktor.
"'Yun pong vet wala pong ginawang test eh. Binasehan niya po roon sa galaw. Ang sabi po ng vet is tingin daw niya is rabies 'yung sakit nu'ng aso. Puwedeng patulugin na lang daw si Buddy para raw po hindi maghirap," ani Lee.
"Dinala ko nga po siya sa vet eh, para gumaling tapos magde-decide po ako na patulugin. E 'di parang ako po 'yung pumatay sa kaniya, 'di ba?" sabi pa niya.
Kahit na may mga babala ang mga doktor, iniuwi nina Lee ang aso at inalagaan.
Inilagay ni Lee si Buddy sa isang ligtas na kulungan at pinagtiyagaang pakainin at painumin.
Nagpatuloy naman ang panginginig ng aso, ngunit naramdaman ni Lee na gusto ni Buddy na mabuhay.
Hanggang sa dumating ang isang araw, kinaya na ni Buddy na tumayo kahit nahihirapan.
"Iniisip ko po, paano kung pumayag ako? 'Yun pala, may pag-asang mabuhay siya. Kung pumayag ako na patulugin siya, pinatay ko pa. Parang ako 'yung pumatay tapos iyon pala mahaba pa pala 'yung buhay niya," sabi ni Lee.
Dahil sa pagmamahal at pag-aaruga nina Lee, nagpatuloy sa paggaling ni Buddy.
Ngayon, malusog at nabakunahan na rin ng anti-rabies si Buddy. Gayunman, hindi pa rin nakukumpirma kung ano ang totoong naging sakit nito.
Alam ni Lee na delikado at nakamamatay ang rabies at hindi dapat lumapit sa mga hayop na may sintomas tulad ng paglalaway at pagiging agresibo.
Sa oras na makitaan ng sintomas ng rabies ang isang hayop, namamatay ito sa loob ng pito hanggang 10 araw.
Isang taon na ang nakararaan mula nang masagip si Budd, malayong malayo na sa hitsura niya muna nang unang makita ni Lee.
Mailap pa rin si Buddy sa ibang tao at hayop, ngunit malambing at puno ng buhay si Buddy, dahil na rin kay Lee na hindi siya sinukuan.--FRJ, GMA Integrated News
