Tila tagpo sa isang sci-fi movie ang nasaksihan ng ilang residente sa Florida at Bahamas nang magliwanag ang kalangitan dahil sa pagdaan ng kakaibang mga liwanag.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang kumpol ng mga liwanag na gumuguhit sa dilim ng kalangitan.
Ang ibang nakakita, inakalang grupo ng bumabagsak na bulalakaw ang liwanag na mistulang fireworks display sa ibabaw ng karagatan.
Pagkaraan ng ilang minuto, kusa ring naglaho ang mga liwanag.
Ayon kay Bret Botswick, na nakakita sa mga liwanag, nakarinig din sila ng pagsabog matapos mawala ang mga liwanag.
"So all of a sudden you heard the explosion and the rumble," saad niya.
Nilinaw naman ng mga awtoridad na ang nakitang mga liwanag sa kalangitan ay mga debris mula sa sumabog na space craft ng SpaceX ni Elon Musk.
Sampung minuto matapos paliparin ang space craft, pumalya ang engine nito at nagpaikot-ikot hanggang sa sumabog.
Ito na ang ikalawang beses ngayong taon na pumalya ang pagpapalipad ng SpaceX ng space craft para sa pag-deploy ng mock satellites.
Sumabog din ang rocket na inilunsad sa space nitong nakaraang Enero.
"We will review the data from todays' flight test to better understand the root cause. As always, success comes from what we learn. And today's flight will offer additional lessons to improve Starship's reliability," ayon sa SpaceX.-- FRJ, GMA Integrated News