Ilang oras matapos siyang arestuhin sa bisa ng arrest warrant, lumipad na mula sa Villamor Air Base sa Pasay City ang eroplano na pinagsakyan kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para dalhin sa The Hague, at paharapin sa International Criminal Court (ICC).
Sakay si Duterte ng eroplanong RP-C5219, na umalis ng Villamor Air Base dakong 11:03 p.m.
Matapos na dalhin si Duterte sa Villamor Air Base nitong Martes ng umaga, dumagsa sa lugar ang mga tagasuporta ng dating pangulo, at nandoon din si Vice President Sara Duterte, na hindi umano pinayagan ng mga nagbabantay na pulis na makapagpasok sa loob.
Ayon kay Atty. Martin Delgra, sumakay si Duterte sa eroplano ng 9 p.m. nitong Martes. Kasama niya si dating Executive Secretary Salvador Medialdea, isang nurse, at isang personal assistant.
Sinabi rin ni Delgra, abogado ng dating pangulo, hindi sila pinayagan na makapalit sa eroplano.
Sinabi naman ni VP Sara na kaagad din siyang susunod sa The Hague kasama ang kanilang mga abogado.
Tinawag niyang insulto sa mga Pilipino ang ginawa ng gobyerno na isuko ang kaniyang ama para sa mga dayuhan.
"Today, our own government has surrendered a Filipino citizen—even a former President at that —to foreign powers. This is a blatant affront to our sovereignty and an insult to every Filipino who believes in our nation’s independence," anang pangalawang pangulo.
Itinanggi rin niya na nagtangkang humingi ng asylum sa Chinese government ang kaniyang ama nang magpunta ito sa Hong Kong nitong weekend.
Inaresto ang nakatatandang Duterte nang lumapag sa NAIA ang eroplanong sinakyan niya mula sa Hong Kong nitong Martes ng umaga.
Mula sa NAIA, dinala ang dating pangulo sa Villamor Airbase kung saan siya nanatili ng ilang oras hanggang sa tuluyang ilipad patungong The Hague nitong Martes bago maghatinggabi.
Bago nito, kinumpirma ng Malacañang na nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Duterte matapos maaresto dahil sa mga krimen laban sa sangkatauhan na inimbestigahan ng ICC.
Sa isang pahayag, sinabi ng Presidential Communications Office na pagkarating ng dating pangulo sa Maynila, inihain ng isang prosecutor general mula sa ICC ang warrant of arrest laban kay Duterte.
“Kaninang madaling araw, natanggap ng INTERPOL Manila ang official copy ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC),” sabi ng PCO.
“Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” dagdag ng PCO.
Ang kaso sa ICC ay bunga ng ipinatupad na war on drugs ng administrasyong Duterte na sinasabing kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 6,000 tao na sangkot umano sa ilegal na droga.
Una rito, sinabi naman ni Duterte na nais niya na dito siya sa Pilipinas litisin.
“Ako pag nagkasala, you prosecute me in Philippine courts, with the Philippine judge, the Filipino prosecutor, and magpakulong ako sa bayan ko kung sakali,” saad niya.
Nanindigan si Duterte na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas matapos na umatras sa pagiging miyembro nito ang bansa noong 2018 sa ilalim ng kaniyang termino.
“The fact that we are already not a member, dapat intindihan ng mga abogado ‘yan,” giit niya.
Pero sa desisyon ng Supreme Court noong 2021, idineklara ng mga mahistrado na may obligasyon ang Pilipinas na makipagtulungan sa ICC kahit umatras na ito noong 2018, dahil ang usapin na inimbestigahan ay nangyari sa panahon miyembro pa nito ang Pilipinas.—FRJ, GMA Integrated News