Nagkuwento ang 'Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition' housemate na si Ashley Ortega kay Ivana Alawi tungkol sa alitan nila ng kaniyang ina.
Tila palagay na ang loob ni Ashley Ortega sa ilan sa kaniyang mga kasama sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition.
Sa ikalawang araw sa loob ng Bahay ni Kuya, seryosong naka-kuwentuhan ni Ashley ang nagpapanggap na housemate na si Ivana Alawi.
Nagpahapyaw ang Sparkle star tungkol sa kaniyang personal na buhay, “Three years na kasi kaming hindi na nakapag-usap [ng nanay ko]. Three years na kasi akong living alone rin... galit pa rin kasi siya sa akin.”
“You know, it's really hard when you fight with your family,” reaksyon ni Ivana tungkol dito.
Kasunod nito, inilahad ni Ashley na umaasa siyang magkaayos na sila ng kaniyang ina.
“Mag-isa lang ako. I'm a strong independent girl...Sana magbati na kami. Hinihintay ko lang naman siya,” sabi niya.
Samantala, kilala ngayon ang Sparkle star bilang Independent Tis-ice Princess ng San Juan, habang si Ivana naman ay kilala sa programa bilang Phenomenal Content Queen ng Quezon City at first house guest na nagpapanggap na housemate.
Subaybayan si Ashley Ortega sa teleserye ng totoong buhay.
Mapapanood ang Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, weekdays 10:00 p.m. at weekends, 6:15 p.m., sa GMA, Kapuso Stream, GMANetwork.com, GMA Pinoy TV, Kapamilya Online Live, iWanTFC, at TFC.
Maaari ding silipin ang mga kaganapan sa loob ng Bahay ni Kuya sa All-Access Livestream ng programa.
Abangan ang iba pang detalye tungkol dito sa GMANetwork.com at iba pang social media platforms ng GMA at ABS-CBN.-- EJ Chua, GMA Network.com

