Isinilang na malusog at normal na sanggol naman noon si Melan na tatlong-taong-gulang na ngayon. Pero ano nga ba ang nangyari sa bata na naging dahilan ng paglaki ng kalahati sa ibabang bahagi ng kaniyang mukha? Alamin.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang payak na pamumuhay ng pamilya ni Melan sa Santo Nino, South Cotabato.

Sa kabila ng kaniyang kalagayan, mababakas pa rin ang pagiging masigla at masayahing bata ni Melan. Pero dahil na rin sa natatanggap na panunukso, pinipili na lang niyang umiwas sa ibang bata.

Napag-alaman na may maliit na bukol na tumubo sa mukha ni Melan na nagsimulang lumabas noong 10-buwang-gulang pa lang siya.

Sa paglipas ng ilang linggo, lumaki nang lumaki ang bukol. Hindi na naisasara ngayon ni Melan ang kaniyang bibig at halos wala na ring makita ang kaliwa niyang mata.

Ang ama ni Melan na si Erwin, wala nang magawa kundi ang maiyak na lang sa kalagayan ng anak at hindi lubos maisip kung bakit ito nangyari sa bata.

Ang ina naman ni Ellen, nakikita ang katapangan ng kaniyang anak sa pagharap sa kalagayan nito.

Hirap na ring makapagsalita at kumain si Melan. Lagi ring nababasa ang kaniyang damit dahil sa paglabas ng kaniyang laway.

Ayon kay Ellen, mas gusto ni Melan na mag-isang kumain para makontrol niya ang kaniyang isinusubo.

Kuwento ng ginang, magsa-10-buwang-gulang si Melan nang naaksidente umano ang bata nang magtangkang tumayo na mag-isa. Nadapa ang bata at tumama ang mukha.

Hanggang sa napansin na nila na tila may tigyawat na tumubo sa mukha nito. At pagkaraan nga ng ilang araw at linggo, nagsimula nang lumaki ang ibabang bahagi ng mukha ni Melan.

Nang ipasuri nila sa duktor si Melan, nalaman na ang tumubong bukol sa mukha ng bata ay hindi lang basta simpleng bukol.

"Bone tumor daw siya, kailangan daw i-biopsy," sabi ni Ellen.

Ang bukol, napag-alaman na may "ossifying fibroma," na bagaman hindi cancerous ay patuloy na lumalaki.

Dahil na rin sa paglaki ng bukol,  tinatawag na itong "Cherubism," na napakapambiria umano na 1 in 1 million lang nangyayari sa bata.

Ano nga ba ang kondisyon na na ito ni Melan, at may kinalaman kaya ang pagkakadapa niya sa paglabas nito? May pag-asa pa kayang malunasan ang kaniyang kalagayan? Panoorin sa video ang buong kuwento at ang kalagayan ngayon ni Melan.

Sa mga nais tumulong kay Melan, maaaring magpadala sa:

BANKO, A SUBSIDIARY OF BPI
ACCOUNT NAME: ERWIN PALOMO HUQUERIZA
ACCOUNT NUMBER: 180021448441

--FRJ, GMA Integated News