Hindi maiwasan ng isang guro na mapaiyak sa naka-aantig na sorpresang inihandog ng kaniyang mga estudyante bilang pasasalamat sa kaniya bago ang kanilang graduation day.

Sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing anim na taon na sa pagtuturo ang gurong si Roel Guimba, na lagi nang nasosorpresa ng kaniyang mga estudyante sa iba't ibang okasyon.

Ngunit isang araw na walang kakaibang selebrasyon, naghanda pa rin para sa kaniya ang kaniyang mga mag-aaral na tunay na kumurot sa kaniyang puso.

Isa-isang nagbigay ng samu't saring pagkain ang kaniyang mga estudyante sa isang kahon, at sinamahan nila ito ng bulaklak at kanilang class picture.

Ayon sa mga estudyante, ito ang kanilang naisip na paraan para ipahayag kay Teacher Roel ang kanilang pasasalamat sa ipinakita niyang kabutihan sa kanilang klase sa loob ng halos isang taon.

"Masasabi ko na siguro mayroon akong naambag sa kanilang buhay na nakapagpabago or naging impact sa kanilang life [para] gumawa ng ganu'ng surprise na hindi ko naman po talaga inaasahan despite sa busy schedule nila at sa akin din," sabi ni Guimba.

Labis man ang kaniyang tuwa sa natanggap na sorpresa, hindi pa rin niya maiwasang malungkot dahil ilang sandali na lamang, maghihiwalay na sila ng landas pagkatapos ng kanilang graduation day.

"Ito 'yung masasabi ko na pinakamasakit siguro na tribute o surprise kasi... siyempre masaya ka kasi sinurprise ka ng mga bata, ng mga estudyante mo, pero malungkot ka kasi parang ito na 'yung huli na bonding or pagsasama ninyo ng mga mag-aaral mo kasi magka-college na sila," sabi ni Guimba.

Nakatakda man silang maghiwalay, hindi maitatanggi na nag-iwan sila ng marka sa puso ng isa't isa. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News