Hindi na maaaring hawakan ng mga airport security personnel ang pasaporte ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa pamunuan ng paliparan.

Inihayag ito ng NAIA sa isang pahayag nitong Martes kasunod ng ulat tungkol sa napinsalang pasaporte ng isang pasahero.

“To better protect your travel documents and reduce unnecessary contact, all NAIA security personnel have been instructed not to touch passports during terminal entry and security verification," saad sa pahayag.

"Passengers will simply be asked to show their valid ID or travel document by holding it up themselves,” dagdag nito.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang Department of Transportation at Civil Aeronautics Board kasunod ng mga ulat na may mga pasahero ang hindi pinayagang makasakay sa eroplano dahil sa pinsala sa kanilang pasaporte.

Kamakailan lang, isang pasahero ang nagsabing hindi pinayagan ng isang airline ang kaniyang ama na makasakay sa eroplano patungong Bali, Indonesia noong April 15 dahil sa nakitang kapirasong punit sa pasaporte ng airline personnel.

Ayon sa pamunuan ng NAIA, nangyari ang pagkakapinsala sa naturang pasaporte sa check-in counter ng airline sa Terminal 3.

Nilinaw ng NAIA na, “[t]here has been no report of any mishandling involving NAIA security personnel.”

“We are working closely with our airline partners, the Department of Transportation (DOTr), and the Bureau of Immigration (BI) to strengthen procedures and make sure incidents like this do not happen again,” dagdag ng NAIA. – mula sa ulat ni Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News