Hindi napigilan ni Shuvee Etrata na kiligin nang todo sa kaniyang happy crush na si Donny Pangilinan sa loob ng "Bahay ni Kuya."
Sa episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" nitong Miyerkoles, mapanonood na halos hindi makatingin si Shuvee sa tuwing dumadaan sa harapan niya si Donny.
"Good night Donny, I love you," sabi ni Shuvee sa kaniyang sarili habang nakahiga sa kama, at sinabi pa na, "I can't say good night to you, I'm shy like that."
Bago matulog kinagabihan, nag-isip siya kung magsasabi siya ng good night sa kaniyang crush, at tumayo pa sa may pintuan para subukang makita ang celebrity house guest ngayong linggo.
Kinaumagahan, mabilis na tinapos ni Shuvee ang kaniyang pag-e-ehersisyo sa hardin habang lumabas si Donny para makihalubilo sa iba.
At nang batiin na siya ng binata, nahihiyang "hello" lamang ang naibigay ni Shuvee bago lumingon kay Brent para magpanggap na nag-uusap sila tungkol sa kape.
Samantala, napangiti naman si Brent at kinulit si Shuvee sa kaswal na pagbati sa kaniya ni Donny.
Habang nanatili si Donny sa paligid, nagkunwaring abala naman si Shuvee.
"Kinilig ako Brent. Kita mo 'yon, hindi nga siya nag-good morning sa'yo," sabi niya sa kapwa niya housemate, na patuloy naman siyang tinutukso.
"Invisible ako, ikaw lang 'yung [nakikita niya]," sabi ni Brent sa tuwang-tuwa na si Shuvee, na tumugon naman, "you're feeding my delulu thoughts."
Ipinakita rin sa episode nitong Miyerkoles ang housemates na nagbabasa ng mga liham, simula kay AZ na napaiyak habang binabasa ang sulat sa kaniya ng kaniyang nobyo na si Larkin.
Napanonood ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network ng weekdays ng 10 p.m. at weekends ng 6:15 p.m.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

