Sampu ang nasawi, kabilang ang apat na bata, habang mahigit 30 ang sugatan sa karambola ng ilang sasakyan sa Tarlac City Toll Plaza Exit sa Subic-Clark-Tarlac Express kaninang Huwebes ng tanghali.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Police Lieutenant Colonel Romel Santos, director, Tarlac Provincial Police Office, sinabing lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya na lima ang kabuuang bilang ng mga sasakyan na sangkot sa aksidente.
Sinabi ni Santos sa GMA News Online na 10 at hindi 12 ang nasawi gaya na nilang inihayag. Kasama sa mga nasawi ang apat na bata [hindi rin anim], at nasa 37 ang sugatan.
Nakatigil umano ang apat na sasakyan sa toll plaza sa bahagi ng Barangay Bantog para magbayad nang sumalpok ang pampasaherong bus sa van, at nagkasunod-sunod na ang salpukan.
Mahaharap ang driver ng bus sa reklamong reckless imprudence resulting to multiple homicide and serious physical injuries, at multiple damage to properties.
“Doon po sa dalawang sasakyan, sa Urvan, nakaligtas po yung driver at sa kotse naman po yung isang baby na bata. Sa bus naman po, puro minor injuries lang yun naano nila,” sabi naman ni Marvin Guiang, pinuno ng Tarlac Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, sa Super Radio dzBB.
“Sobra po yung impact ng pagkakabangga, talagang totally crushed po yung mga biktima natin doon sa dalawang sasakyan na na-sandwich po,” dagdag niya.
Ayon sa pulisya, walo ang nasawi at isa ang nasugatan sa mga sakay ng van. Dalawa naman ang nasawi at isa ang sugatan sa SUV.
Sakay ng bus ang 25 sa mga sugatan, kabilang driver at konduktor.
Sinabi ni Santos na lumalabas sa imbestigasyon na nakatulog ang driver ng bus habang nagmamaneho.
“Ito pong bus, yung Solid North Transit Inc., ito po yung bumangga sa apat na vehicles na nakahinto na po sa toll plaza ng SCTEX, waiting po doon sa payment nila sa toll booth po nila. And pagdating po nitong Solid North Transit, unang binangga niya ay yung Nissan Urvan. Yung Nissan Urvan naman po binangga niya po yung Kia Sonet. Yung Kia Sonet binangga naman niya yung tractor head. Yung tractor head binangga naman niya yung Toyota Veloz,” paliwanag ni Santos.
Nasa kustodiya na siya ng mga awtoridad.
Dahil sa insidente, inutusan ni Transportation Secretary Vince Dizon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin ang operasyon ng kompanya ng bus na Solid North Bus.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang naturang kompanya ng bus. -- FRJ, GMA Integrated News
