Lumipas man ang mga dekada, nananatiling buhay para sa dalawang lolang Japinoy ang pangarap para sa kanila ng kanilang yumaong amang Hapon na makarating sila sa Japan at makilala roon ang kanilang mga kaanak. Hanggang isang araw, dalawang Hapon ang bumisita sa kanila sa Palawan at nagpakilalang kamag-anak sila ng kanilang ama. Sila na nga kaya ang matagal na hinihintay ng mga lola?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang pagmamahalan ng Pinay na si Susana, at Hapon na nagngangalang si Kamata, na dumayo sa Mindoro noong dekada 30s.
Nagdesisyon silang bumuo ng pamilya at nangarap na madala ang kanilang apat na anak, sa Okinawa, Japan, na lupang sinilangan ni Kamata.
Ngunit naudlot ang pangarap na ito nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War II noong 1940s, at namatay si Kamata.
Mula sa Mindoro, sa Linapacan Island sa Palawan na ngayon nakatira ang dalawa sa apat na anak kina Susana at Kamata na sina Esperanza, 86-anyos, at Lydia Morine Gagalan, 84-anyos.
Kuwento nila, magsasaka ang kanilang inang si Susana habang namamahala naman noon ng lantsa ang kanilang amang Hapon na si Kamata Morine. Ayon sa anak ni Esperanza na si Chipaz Magbanua, may sariling bangka si Kamata para mangawil at palipat-lipat sa Mindanao, Iloilo, Mindoro at Palawan.
Matapos mahulog ang loob sa isa’t isa at magpakasal, nagkaroon sila ng apat na anak na sina Ezekiel, Esperanza, Lydia, at Kamata Jr.
Ngunit pumanaw na sina Ezekiel at Kamata Jr.
Nang sumiklab ang World War II noong 1941, nagdesisyon si Kamata na dalhin sa Japan ang kaniyang mag-iina. Ngunit ang mga kapatid umano ni Susana ang tumutol sa pangambang baka patayin ang mga Pilipino na pupunta roon.
“Nalungkot din si tatay na hindi kami madala sa Japan. Hindi niya matanggap. Nagkasakit si tatay. Tapos namatay na,” kuwento ni Nanay Lydia.
Taong 1964 naman nang mamatay si Susana.
Bumuo na sina Lydia at Esperanza ng kanilang sarili pamilya at mga tanging nabubuhay ngayon sa apat na magkakapatid.
Sa kabila ng halos 80 dekada nang lumipas, nanatiling buhay sa kanila ang pangarap nilang makarating sa Japan, na siya ring pangarap ng kanilang ama para sa kanila. Sinubukan nila noong hanapin ang mga kaanak ng kanilang ama sa Okinawa.
Kalaunan, binisita sila ng Philippine Nikkei-jin Legal Support Center (PNLSC), isang grupo ng mga abogado mula Japan na naglalayong hanapin ang mga war-displaced Japanese descendants dito sa Pilipinas.
Ang mga impormasyong ibinigay nina Nanay Esperanza at Lydia tungkol sa buhay ng kanilang ama, ginamit ng grupo para matunton ang mga kamag-anak nito sa Japan.
Hanggang sa matunton nila sa Okinawa si Naoaki, na pamangkin ng kanilang amang si Kamata, at si Yasuhiko Morine, na apo naman niya.
Para matiyak na magkamag-anak nga sila, may ipinakitang ebidensya sina Yasuhiko na lumang litrato ni Kamata na kuha bago sumiklab ang World War II.
Matapos makumpirma ng PNLSC na sina Yasuhiko na nga ang hinahanap na mga kamag-anak nina Esperanza at Lydia, lumipad mula Okinawa sa Japan papunta sa Palawan sina Yasuhiko kasama ang staff ng TV Asahi nitong Mayo 25 upang makilala ang mga naulilang lola.
Tunghayan sa KMJS ang madamdaming pagtatagpo nina Nanay Esperanza at Lydia sa mga hinahanap nilang kaanak na sina Yasuhiko at Naoaki, na dumayo pa ng Palawan. At matupad na kaya ang pangarap ng kanilang ama na makarating sila sa Japan? Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News
