Maraming nabiktima ng maling akala ang "bobohan" na isang uri ng lamang-dagat pero napagkakamalang parte ng baboy na ginagawang chicharong bulaklak. Ang bobohan, puwedeng iprito at gawing sisig. Pero ligtas nga ba itong kainin? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” sinabing hindi taba ng baboy na putok-batok ang bobohan, kung hindi lamang-dagat na uri ng Sea Anemone

Ipinakilala ang content creator na si Decko Tum, mula sa Balabac, Palawan, nagpakita kung papaano niluluto ang bobohan.

“‘Yung mga niluluto ko po na mga seafood, isda, is mga nabibili ko lang din po sa mga naglalako dito. Kasi nga po, wala po kaming palengke. Kung ano lang po 'yung huli ng mga mangingisda dito, sa tribo po namin, kinakain po talaga ang Bobohan,” sabi ni Decko, dating home baker at mayroon nang mga na-upload na video na umabot sa 9.8 million views.

Ayon pa sa kaniya, hindi naman ipinagbabawal ang paghuli ng Bobohan basta’t gagamitin lamang ito sa personal na pagkonsumo at hindi ibebenta.

Ang bobohan o sea anemone ay isang klase ng marine invertebrate na may kaugnayan sa mga coral at jellyfish.

“Itong Haddon’s Carpet Sea Anemone, most often nandoon sila sa ibang buhanginan nabubuha. Sila ay habitat providers, so ito ay nagsisilbing proteksyon sa mga predators and in return, ang mga isda o shrimp or crabs naman ay nagdadala ng mga food scraps para po sa sea anemone,” paliwanag ni Nonie Enolva, OIC ng Fisheries Management, Regulatory, Enforcement, and Support Services Division ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-NCR.

Nang maging single mother si Decko, ang paggawa ng video ang naging libangan niya. At ang pagluluto ang kadalasan niyang content sa vlog.

Sa loob lamang ng tatlong buwan, nagsimula nang ma-monetize ni Decko ang kaniyang mga video, at nakatulong para buhayin ang dalawa niyang anak.

Kadalasang putahe umano sa bobohan ang ginataan na may papaya. Sa video, ipinakita niya kung papaano linisin ang bobohan, bago nito iprinito at ginawang sisig.

Ayon kay Decko, may pagkalasang tahong, lobster at sikad-sikat ang bobohan. Ang ibang nakatikim, sinabing may pagkalasa naman na oyster at alimasag.

Gayunman, nagbabala ang ilang eksperto tungkol sa pagkain ng bobohan.

“May mangilan-ngilan lang ang maaaring kainin. Ang iba ay may mga toxins at irritants. Puwedeng makaranas ng anaphylactic shock o kaya 'yung seryosong allergic reaction,” babala ni Enolva.

“Huwag na muna natin i-try. Lalo na kung tayo ang may history na allergy. May mga substance ‘yun na magko-cause ng gastrointestinal symptoms. Puwedeng magtae, puwedeng magsuka,” sabi naman ng Family Medicine Specialist na si Dra. Cheridine Oro Josef. -- FRJ, GMA Integrated News