Dahil sa madagdagan ang kita para sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya at mga anak, isang guro ang pinasok ang pagbebenta ng mga gintong alahas bilang side hustle. Mula sa puhunang P50,000 na galing sa kaniyang salary loan, kumikita na ngayon ang kaniyang negosyo ng hanggang seven digits kada buwan.
Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang negosyong 24/7 na live selling ng mga alahas ni Meriam “Madam Ayam” Dangcalan, may-ari ng Marigold Philippines.
“Hindi talaga naging enough din ang sahod ng public school teacher to satisfy all the needs. Needs ng siblings, ng family, ng mga anak. So, naging sideline hustle ko siya,” sabi ni Madam Ayam, na isang public school teacher.
Bago ang sariling negosyo ng alahas, naging jewelry runner muna si Madam Ayam, na pumupunta sa mga tindahan para tingnan kung available ang iba’t ibang item noong kauna-unahang pumutok ang gold selling online.
Hanggang sa kinarir niya na rin ang pag-live selling ng alahas. Sa halagang P50,000 na salary loan, inumpisahan ni Madam Ayam na bumili at mamuhunan sa gintong alahas.
“‘Yung one item ko na inangat ko during the live, unlimited number of people ang nag-‘mine’ sa item. So nakita ko 'yung kagandahan at opportunity ng live selling.”
Maaari nang makabili ng tunay na ginto sa presyong P299. Pero kung gusto ng naisasangla at puwedeng gawing investment ang bentahan, maaari nang makabili sa halagang P499.
Nanggagaling ang mga gold jewelry na ibinibenta nina Madam Ayam sa Ongpin sa Maynila, sa China at sa Saudi Arabia .
May dalawang klaseng ginto na inaalok si Madam Ayam: Saudi at Japan Gold, na mayroong 18, 21, at 24 carats.
Pagdating sa kanilang production house, walang tigil ang pagbabalot ng mga parcel, na madalas na sitwasyon sa tuwing nagbibigay sila ng discount voucher sa kanilang mga customer.
Sa kabila nito, may hamon pa rin si Madam Ayam sa pagbebenta ng ginto, gaya ng mga puna na peke umano ang kanilang mga alahas o maliit itong tingnan.
“Biggest challenge ko po talaga, sa online you can always zoom in, so magmumukha siyang sobrang laki. Kailangan namin sabihin sa kanila that this is the estimated gram. Kailangan nyo maintindihan na kapag mura lang, mababa lang 'yung gram niya, manipis lang din siya,” paliwanag ni Madam Ayam.
Naglipana rin ang mga scammer, kaya hiling niya sa mga mamimili na magpakita ng kanilang mga unboxing video.
Paalala ni Madam Ayam sa mga bibili ng gintong alahas:
1. Humanap ng mapagkakatiwalaang seller
2. Dapat may physical store na puwedeng puntahan ang customer
3. Dapat may code at stamp checking sa mismong alahas
4. Dapat may kasamang resibo ang nabiling alahas
Dahil sa gold live selling, nakapagpundar na si Madam Ayam ng ilang investment at nakapagbibigay ng trabaho sa iba, na karamihan ay working students.
Tuloy-tuloy ang kanilang live selling, kaya mahigit isang libong piraso ng alahas ang kanilang naibibenta online kada araw at kumikita ng six to seven digits kada buwan.—FRJ, GMA Integrated News
