Dinepensahan ni Dustin Yu ang kaniyang sarili mula sa mga puna na naging “passive-aggressive” at “manipulator” umano siya noong nasa "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition.” Ang kaniyang ka-duo na si Bianca De Vera, ipinagtanggol din ang binata.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, nagkaroon ng pagkakataon ang “DustBia” duo na ipagtanggol ang kanilang mga sarili mula sa mga negatibong komento ng ilang tao tungkol sa kanila.
Si Bianca ang naunang dumepensa para sa binata.
“Para sa akin, Tito Boy, siguro, I couldn't… Hindi ko po kasi talaga nakita, Tito Boy. Ako po naniniwala po ako na matalino po akong tao. And if I did see those signs kay Dustin, I would have strayed myself away from him as soon as I can. Pero wala naman po akong nakitang signs sa kaniya,” sabi ni Bianca patungkol sa alegasyon na manipulator si Dustin.
“If anything, he really took care of me and he was very consistent from day one. So, hindi ko po maintindihan kung saan po nanggagaling ‘yung ibang tao when they say that. So it doesn't matter whatever they say because they're not in my body and they don't see him through my eyes. So hindi ko ako naapektuhan,” pagpapatuloy ng Kapamilya actress.
Pinasalamatan ni Dustin si Bianca sa mga magagandang sinabi nito tungkol sa kaniya.
Si Dustin, nagulat din sa mga naging komento laban sa kaniya.
“Noong narinig ko ‘yun, nu’ng paglabas, Tito Boy, honestly, nagulat din po ako. Pero nag-reflect rin ako. Feeling ko, isa 'yun sa pinaka-importanteng reflection na nangyari sa life ko,” anang Sparkle actor.
Depensa niya, tinitindigan lamang ni Dustin ang kaniyang mga pananalita pagdating sa mga seryosong usapan.
“Siguro personally, ganu’n lang talaga akong tao. Very firm sa mga gusto kong sabihin. Very serious sa mga tamang situations, sa mga seryosong situations. As much as I am willing to listen, gusto ko rin talaga na mapakinggan,” sabi niya.
Kinumusta rin ni Tito Boy si Dustin tungkol sa reaksiyon ng kaniyang kaibigang si David Licauco.
“At first, sinabi niya na he's proud of me, of course. Alam niya na hindi ko rin kakayanin at first. Sabi niya, he knows that. Mahiyain kasi talaga ako, Tito Boy. At hindi rin ako sanay sa mga…,” saad niya. “Lagi niyang sinasabi, ‘Galingan mo lang, galingan mo lang,’ tapos ‘Be true to yourself. Ipakita mo lang kung sino ka.’ Tapos ‘Wala, huwag ka nang mag-isip ng kung anu-ano pa.’”
Sina Dustin at Bianca ang huling housemates na napaalis sa Bahay ni Kuya matapos matalo sa duo nina Brent Manalo and Mika Salamanca (BreKa) sa Big Jump Challenge.
Kasama na ngayon ng BreKa sa final four duo ang duo nina: Charlie Fleming at Esnyr (ChaRes), Will Ashley at Ralph De Leon (RaWi), at AZ Martinez at River Joseph (AzVer).
Sa Hulyo 5 na ang inaabangang The Big Night.
Napanonood ang mga bagong episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network Lunes hanggang Sabado ng 9:35 p.m.—FRJ, GMA Integrated News

