Nag-viral sa social media ang video na makikita ang pagsingaw ng LPG tank mula sa kusina ng isang bahay sa India. Hindi nagtagal, nagkaroon ng apoy, at tuluyan itong sumambulat. Ang sinapit ng mga nakatira sa bahay, alamin.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang babae na hinahatak palabas ng kusina ang tangke g LPG habang sumisingaw ang hose nito matapos na makalas.

Plano umano ng babae na mailabas ng bahay ang sumisingaw na tangke. Pero dahil sa matinding takot at pagkataranta, iniwan niya sa loob ng bahay ang tangke at humingi na lang ng tulong ang babae sa labas.

Pagkaraan ng ilang minuto, tumigil sa pagsingaw ang tangke. Dito na bumalik sa loob ng bahay ang babae, kasama ang isang lalaki.

Ngunit habang inaayos nila ang tangke, makikita sa video na may biglang apoy na sumiklab sa loob ng kusina hanggang sa tila gumapang ito palabas at tuluyang sumambulat sa buong bahay.

Napatakbo ang babae at lalaki palabas ng bahay, na mabuting walang tinamong matinding sunog o sugat sa katawan.

Ang naturang viral na video, ipinost sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa India para ipaalala sa publiko ang tamang pag-iingat laban sa gas explosions.

Ayon sa mga awtoridad, masuwerte ang mga nakatira sa bahay dahil bukas ang pinto at bintana kaya naiwasan ang mas malalang epekto ng pagsabog ng tangke.

Nagpaalala naman ng mga awtoridad para makaiwas sa peligrong dulot ng gas leak.

  • Laging suriin ang koneksyon ng hose sa tangke o kung may sira na puwedeng pagmulan ng tagas o leak.
  • Ilayo ang LPG talk sa direct sunlight o heat source.
  • Alamin kung gumagana o kung may sira ang safety valve.
  • Sa mga awtorisadong dealer lang bumili ng LPG tank.
  • Kung may senyales ng tagas o gas leak, isara ang valve at buksan ang mga bintana at pinto.
  • Huwag magsisindi ng ilaw, lighter, o anumang source ng apoy.

--FRJ, GMA Integrated News