Isang lola ang nahuli-cam na nginungudngod sa baha ang 12-anyos niyang apo sa Lapu-Lapu City, Cebu. Ang paliwanag ng lola sa naturang insidente, alamin.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa video footage na nagpupumiglas, umiiyak at nagmamakaawa ang binatilyo sa kaniyang lola habang inilulubog ang ulo niya sa tubig na aabot sa binti.
Nang bitawan ng lola ang apo, agad na tumakbo ang binatilyo.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, lumitaw na nangyari ang insidente noong Marso pero nitong Martes lang na-post sa social media.
Ipinaliwanag ng lola sa Lapu-Lapu City Social Welfare and Development Office na dinidisiplina lang niya ang kaniyang apo na naligo umano sa baha kahit pinagbawalan niya.
Gayunman, pinagsisisihan daw ng lola ang kaniyang ginawa sa apo.
Isasailalim naman sa counselling at monitoring ang binatilyo. — FRJ, GMA Integrated News
