Nag-viral kamakailan ang video ng isang batang lalaki na pinasukan ng isang linta sa mata, na pinagtulungan ng kaniyang mga kasamahan na maalis sa Davao Occidental. Ano kaya ang kinahinatnan ng kaniyang mata? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” mapanonood sa video ng gurong si Ryan Hernandez Depra habang abala ang apat na tao upang pagtulungan na alisin ang linta sa mata ng bata.

Ayon kay Depra, katatapos lang ng graduation ng mga estudyante noon nang magkayayaan silang maligo sa falls kinabukasan, at sumama ang 13-anyos na si Adrian.

Pagdating sa falls, nag-picture taking muna ang grupo, ngunit pumuslit na pala si Adrian at excited na tumalon sa tubig.

Pagkaahon, kinakamot na ng bata ang kaniyang mata, na tila napuwing. Pero nang suriin ang kaniyang mata, mayroon na palang linta.

“Pagdilat ko sa kaniyang mata, pagkita ko talaga sa gilid ng kaniyang mata, parang may pumasok na maliit na uod. Diyos ko! Talagang sabi ko sa sarili ko, ‘Baka anong mangyari sa batang ‘to. Kailangan ko talaga itong makuha.’ Talagang sobrang takot na takot talaga ako,” sabi ni Depra.

Hindi rin maiwasang mag-aalala ng mga kasamahan ni Adrian. Ilang saglit pa, pumiglas at pumikit ang bata na tila nasasaktan habang kinukuha sa mata niya ang makapit na linta.

Tatlong kamay ang sumubok na alisin ang linta sa mata ni Adrian sa unang 30 segundo. Ngunit lahat sila, nabigo.

Kalaunan, bahagyang lumawit ang dulo nito pero mahigpit pa rin ang kapit ng linta.

“Sobra talagang dulas. Sobrang makapit talaga ‘yung linta. Kaya nahirapan talaga akong kunin ‘yung linta,” ani Depra.

Pero hindi rin sumuko sina Depra hanggang sa mangibabaw na ang kanilang lakas sa paghatak at nakura na rin sa wakas ang linta.

Paliwanag ni Kuya Kim, ang linta ay isang segmented worm na madalas nasa freshwater at talagang matindi sila kung kumapit. Nagtataglay sila ng suction cups na ginagamit nila pangkapit at pangsipsip ng dugo mula sa kanilang host.

Nagsisilbing protina ng mga linta ang dugo para mabuhay, kaya mayroon silang paraan para makarami ng pagsipsip nito.

Samantala, ang laway naman ng linta ay nagtataglay ng natural anesthetic o pampamanhid sa katawan ng host para hindi nito agad maramdaman ang sakit.

Pahirapan ang pagtanggal ng linta dahil sa higpit ng pagkakakapit, at maaaring ma-damage ang balat ng tao kapag pinilit. Maaari ding maiwan ang panga ng linta sa infected area.

Ang iba, ay naglalagay ng asin o pinapaso ng apoy ang linta para umalis. Pero may posibilidad na sumuka ang linta sa lilikhang nilang sugat na maaaring magdulot ng impeksiyon.

Ano naman kaya ang nangyari sa bata matapos mabunot sa kaniyang mata ang linta? Naapektuhan kaya nito ang kaniyang paningin? Tunghayan ang buong kuwento sa video. – FRJ, GMA Integrated News