Nakita na sa Zaragoza, Nueva Ecija ang mga labi ng nawawalang Transportation Network Vehicle Service (TNVS) driver na hinoldap at pinatay ng kaniyang tatlong pasahero noong Mayo. Ang isa sa mga suspek na nagturo kung saan nila itinapon ang bangkay, napaupo at naiyak.
Nitong nakaraang Mayo 18 nang isakay ng biktima na si Raymond Cabrera ang tatlong suspek sa Parañaque City na nag-booked sa kaniya para magpahatid sa Molino, Cavite. Pero napag-alaman sa imbestigasyon na nagpaikot-ikot sa Cavite ang sasakyan, at hindi nagpunta sa kanilang destinasyon.
Habang nasa Cavite, nadinig din sa audio ng dashcam ng sasakyan ni Cabrera kung papaano pinatay sa pamamagitan ng pagsaksak ang biktima.
Nakita rin ang dalawa sa mga suspek nang lumabas ng sasakyan ng biktima sa Valenzuela CIty.
Nitong Huwebes ng gabi, iprinisinta sa media ni Manila Mayor Isko Moreno ang tatlong suspek na residente ng Tondo, matapos na sumuko. Dalawa sa kanila ay magkapatid.
Kasunod nito, itinuro nila sa National Bureau of Investigation kung saan nila itinapon ang katawan ni Cabrera.
Sa ulat ni John Consulta sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ni Cabrera sa mahalaman na gilid ng kalsada sa Barangay Batitang sa Zaragoza, Nueva Ecija.
Ang isa sa mga suspek, napaupo at naiyak nang makita na ang bangkay.
Ayon sa ulat, dadalhin ang mga labi sa tanggapan ng NBI para isailalim sa pagsusuri kaugnay sa pangangalap ng karagdagang ebidensiya laban sa mga suspek.
Sinabi ni NBI Deputy Director and Spokesperson Ferdinand Lavin, isasama rin ang asawa ng biktima para kilalanin kung ito nga katawan ng kaniyang nawawalang asawa.
“Kasi kailangan muna ito ma-identify. We may be led by the suspects of another remains. It is important,” paliwanag ng opisyal.
Idinagdag din ni Lavin na kahit makita na ang bangkay, hindi nila idedeklarang sarado na ang kaso.
“We do not close cases. We solve cases at the NBI,” saad niya.—FRJ, GMA Integrated News
