Agaw-pansin ang isang kambing na bagong silang dahil sa kakaiba ang hitsura ng mukha nito sa Bacarra, Ilocos Norte.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabi ng may-ari ng kambing na si Rosita Yabes, na nagulat siya nang makita ang hitsura ng isa sa mga naging anak ng kaniyang alagang kambing.
Isa lang ang mata ng batang kambing na nasa gitna ng noo pero may dalawang bilog sa loob.
Wala rin siyang ilong pero may bibig na bahagyang nakausli ang dila.
“Kinabahan ako, bakit ganyan ang lumabas na kambing. Nu'ng lumabas siya sabi ko kawawa naman,” ayon kay Yabes.
Kung minsan, inihihiwalay ni Yabes ang kakaibang kambing sa mga kapatid nito para mapadede sa bote upang mapalakas.
Nagagawa namang makatayo na mag-isa ang kambing pero mahina pa umano.
Ayon sa Provincial Veterinary Office, maaaring nagkaroon ng abnormalidad sa pagbubuntis ng inang kambing, o kaya naman ay may problema sa genes ang mga magulang nito.
Inihayag din ni Dra. Loida Valenzuela, Ilocos Norte provincial veterinarian, na nabanggit ng may-ari ng kambing na may naobserbahan na rin sila noon ng katulad na abnormalidad sa iba, na bagaman hindi katulad ng kaso ng bagong silang na kambing ay indikasyon umano na genetically acquired ang nangyari.
Kaya naman ipinapayo ng eksperto na huwag nang gawing magparehas o breeder ang mga magulang ng kambing na may kakaibang hitsura. —FRJ/KG, GMA Integrated News
