Tumaas ang trust rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa survey ng Social Weather Station nitong June. Habang halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte.

Sa inilabas na pahayag ng Stratbase Group nitong Lunes, sinabing umangat ng 10 percentage points ang trust rating ni Marcos nitong June na 48%, mula sa 38% noong Mayo.

Samantala, halos hindi naman nagbago ang rating ni Vice President Sara Duterte na nasa 61% ng June, kumpara sa 60% niya noong Mayo.

Ayon sa Stratbase, ginawa ng SWS ang survey noong June 25 hanggang 29, 2025, sa 1,200 Filipino adults sa buong bansa. Mayroon ±3% margin of error ang naturang survey.

Ayon kay Stratbase Group President Prof. Victor Andres “Dindo” Manhit, mahalaga ang naturang resulta ng survey upang masuri ang kasalukuyang political climate at sintemyento ng publiko sa mga pangunahing lider ng bansa.

“The significant increase in President Marcos’ trust rating signals a possible renewed public confidence in his administration,” pahayag ni Manhit. “He must sustain these trust ratings since they are crucial indicators of political stability and governance performance.”

Samantala, nakakuha naman si Senate President Francis “Chiz” Escudero ng 55% trust rating nitong June, na mas mataas ng 8 percentage points kumpara noong Mayo.

Umangat din ng 8-point ang rating ni House Speaker Martin Romualdez na may 34% nitong June.—FRJ, GMA Integrated News