Matapos gumanap sa hit Kapuso afternoon series na "Ika-6 na Utos," matatandaang umalis si Ryza Cenon sa GMA-7. Pinagsisisihan kaya niya ang pag-alis sa network?

Sa isang episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," inilarawan ni Ryza na parang iba’t ibang uti ng “panahon” ang karanasan niya noon habang ginagawa ang "Ika-6 na Utos" series.

"Para siyang weather for me. May maganda, may masaya. Basta po iba-iba. May sunshine, may bagyo, may rainbow. May mga ganoong feeling po habang ginagawa siya. Ibig sabihin hindi siya ganoon kadali. Mahirap po siyang gawin," anang aktres.

Dagdag ni Ryza, hindi niya matantiya o mape-predict ang kanilang mga susunod na eksena.

"Biglang magugulat ka na lang 'pag nandu'n ka na, 'Ah, ito pala 'yung weather ngayon,'" saad niya.

Ngunit matapos ang hit series nila ni Sunshine Dizon, umalis si Ryza sa kaniyang mother network.

"Sinabi ko naman po na parang gusto kong mag-explore. Gusto kong lumaki pa po, lumawak pa po 'yung mundo ko. Like, gusto ko pong gumawa ng pelikula. Gusto ko pa pong makakilala, makatrabaho pa po ng ibang artista," paliwanag niya kay Tito Boy.

Paglilinaw niya, maayos siyang nagpaalam noon sa GMA bosses.

"Pero hindi naman po ako umalis ng GMA na basta umalis na lang. Nagpaalam po ako nang maayos. Umakyat po ko sa itaas. Inisa-isa ko po sila para magpaalam po," sabi ni Ryza.

Sa kabila nito, sinabi ni Ryza na hindi rin madali ang kaniyang naging desisyon at humingi pa siya ng payo sa gagawin niyang pag-alis.

Bukod dito, breadwinner din si Ryza noong mga panahong iyon at may mga pangangailangan.

"Siyempre, ako po, tao lang din po ako. May pangangailangan din po ako. Breadwinner din po ako so kailangan ko rin pong kumita. So, isa rin po 'yun sa rason," patuloy ng aktres.

Dahil sa kaniyang desisyon, ilan ang pumuna kay Ryza.

"Dinedma ko na lang po. Kasi hindi naman po nila alam 'yung buong istorya," sabi niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Ryza hindi niya pinagsisihan ang kaniyang naging desisyon.

"Wala naman po. Kasi, like ngayon po, kung dati 'yung mga network nag-aaway, ngayon po, magkakasama naman na po eh. So, mayroon pa rin pong healing, may hope pa rin po sa atin. So, bakit kailangan pagsisihan na isang bagay na puwede naman pong balikan din," pahayag niya.

Posibleng mapanood muli si Ryza sa Kapuso dahil sa mayroon umanong pag-uusap para maging guest siya sa action-drama series na "Sanggang-Dikit FR" na pinagbibidahan ng mag-asawang Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.– FRJ, GMA Integrated News