Kinumpirma ni Klea Pineda na hiwalay na sila ng kaniyang nobya ng tatlong taon na si Katrice Kierulf. Inilahad din ng aktres kung bakit sila naghiwalay.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, diretsahang tinanong ni Tito Boy si Klea kung totoo na hiwalay na sila ni Katrice.
"Yes, Tito Boy, yes po,” pagkumpirma ni Klea.
“May mga kaniya-kaniya kaming priorities. Mutual decision 'yung nangyari, mutual 'yung breakup namin and umabot na kami sa point na gusto niya unahin 'yung sarili niya. Gusto ko rin naman unahin 'yung sarili ko this time, piliiin 'yung sarili ko this time," pagpapatuloy niya.
Ngunit ayon kay Klea, may mga pagkakataon na naiisip nila na hindi na sila nakatutulong sa isa’t isa.
"Na-realize na rin namin na hindi na kami nakatutulong sa isa't isa, parang pinu-pull down na lang namin 'yung isa't isa. Parang umabot kami sa ganu’ng point," pagbahagi pa niya.
Gayunman, sinubukan nilang ilaban ang kanilang relasyon.
“Sa buong three years namin, wala akong regrets at all sa relationship namin ni Kat. Ang dami niyang natulong sa akin, ang dami kong natutunan sa kaniya about love, about life. And I'm sure ganu’n din naman ‘yung nagawa ko,” ayon kay Klea.
Sinabi rin ng Kapuso artist na wala naman silang problema ni Kat pagdating sa dynamics ng kanilang relasyon, at kabisado nila ang isa’t isa.
“Pero may mga aspects lang talaga sa buhay namin na kailangan namin piliin ‘yung sarili namin or unahin ‘yung sarili namin,” dagdag niya.
Sa ngayon, dumidistansiya raw muna si Klea siya kay Kat bilang respeto at bahagi kanilang healing process. Naging maayos din daw ang lahat sa kanila matapos ang hiwalayan.
Nangyari raw ang kanilang breakup isang buwan ang nakalilipas. At nagpaalam din umano siya kay Kat tungkol sa kaniyang guesting sa programa at ang pagsasalita tungkol sa kanilang hiwalayan.
“Okay kami, Tito Boy, after breakup, okay kami. Sa akin naman, walang galit sa akin. Sa kaniya rin naman, okay kaming dalawa. And mahirap lang kasi, mabigat. Three years ‘yun and sobrang ganda ng relationship namin and ayokong kalimutan ‘yun. Ayokong matanggal sa isip ko 'yun. Ayokong kalimutan kung gaano ‘yung pagmamahalan namin dalawa ni Kat,” sabi ni Klea.
Cheating?
Nagsalita rin si Klea sa mga Tiktok repost noon ni Kat tungkol sa cheating, na dahilan ng mga espekulasyon na may kinalaman ang cheating sa kanilang hiwalayan.
Ayon kay Klea, in-unfollow na nila ni Kat ang isa’t isa at wala na siyang alam sa ginagawa ng ex sa social media.
“Hindi ko naman siya masisisi kung ganu’n 'yung mga repost or post niya kasi social media account niya 'yun Tito Boy. And, ang sa akin lang, meron akong sarili kong values pagdating sa relationship. Bina-value ko 'yung loyalty, 'yung love namin, 'yung respeto ko sa kaniya. And, hindi ko ever balak sirain 'yun. Or hindi ko ever inisip na makasira ng tao dahil sa ganiyang maling ginagawa, cheating,” patuloy niya.
Ayon sa Sparkle actress, mas maigi kung kay Kat manggagaling ang paliwanag tungkol sa kaniyang posts. Pero tahasan niyang itinanggi na nag-cheat siya sa kanilang relasyon.
“No, Tito Boy. Sobrang proud akong sabihin 'yun na no. Hindi ko kayang gawin 'yun kay Kat kasi masyado kong mahal si Kat. Ayoko nang makita siyang nasasaktan pa. Ang dami na rin pinagdaanan ni Katrice at ayoko makadagdag pa du’n. So no,” ayon kay Klea.
Nilinaw din niya na hindi rin nag-cheat si Kat sa kaniya.
Ayon kay Klea, tahimik ang naging pag-uusap nila ni Kat tungkol sa kanilang breakup.
"Gusto kong maging masaya si Kat. Gusto ko siya maging masaya talaga. From the bottom of my heart, gusto ko maging masaya talaga siya. Genuinely happy. As in, 'yun lang 'yung dinarasal ko araw-araw," hangad ni Klea sa dating kasintahan.
Taong 2023 sa kaniyang ika-24 kaarawan nang ipagtapat ni Klea na isa siyang lesbian.
Sa isang guesting naman niya sa Fast Talk with Boy Abunda nang ipakilala niya si Kat na kaniyang nobya. -- FRJ, GMA Integrated News
