Sa kabila ng maliliit niyang mga kamay at paa, at maiksi ang mga braso at binti, siya naman ang paglaki ng dibdib ng isang babae sa Norala, South Cotabato na abot na sa kaniyang tiyan. Ano nga ba ang lagay ng kaniyang kalusugan? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si “Maya,” hindi nito tunay na pangalan, na nakatira sa isang liblib na purok.
Maliban sa kondisyon ng kaniyang pangangatawan, may problema rin si Maya sa pag-iisip na pang siyam o 12-taong-gulang lang, gayung 28-anyos na siya.
Mag-isang itinataguyod ng kanilang inang si Anna Marie si Maya, at kasama ang nakababata nitong kapatid na si Thea. Ang mister ni Anna o ang ama ni Maya, may iba nang pamilya.
Dahil sa lumulobong dibdib, hindi sanay magsuot ng bra si Maya.
“‘Pag pinasuotan mo ‘yan ng bra, hindi 'yan magsuot. Sasabihin niya pa na bakit daw siya pasuotin ng bra kasi hindi naman daw siya babae, lalaki naman daw siya,” ani Anna.
May size na D48, o extra large sa USA ang bra ni Maya. Gayunman, ayaw niya itong isuot dahil nahihirapan siyang huminga at mainit.
Mailap din sa ibang tao si Maya at nakapirmi lang sa bahay. Tumutulong naman siya sa mga gawain gaya ng paghuhugas ng plato, at pagpapakain sa alagang hayop.
Nakakapagsalita pa raw noon si Maya, hanggang sa maging bihira na nang magbakasyon daw sa bahay ng kaniyang ama sa Zamboanga.
“Hiniram 'yan sa akin ng papa niya. Nu’ng pag-uwi niya dito sa amin, parang hindi na normal 'yung pagsasalita niya. Kapag nag-usap kami, tumatawa siya,” sabi ni Anna.
“Palagi na siyang wala sa sarili niya. Feel niya may kinakausap siya. Tapos wala namang tao,” sabi naman ni Thea.
Ayon pa kay Anna, sinabi ni Maya sa kanila na hindi ito pinakakain ng madrasta niya, bagay na itinanggi ni Livy, na kinakasama ngayon ng kanilang padre de pamilya.
Upang malaman ang kalagayan ng kalusugan ni Maya at dahilan ng paglaki masyado ng kaniyang dibdib, sinamahan siya ng KMJS team para magpasuri.
Ayon sa general surgeon na si Dr. Sanny Sandig, wala siyang makapa na mass o bukol sa loob ng dibdib ni Maya. Dahil dito, walang indikasyon para isailalim siya surgery.
Sinabi naman sa obstetrician gynecologist na si Dr. Icynth Alcayde, “Ang patient natin ay maliit, obese, may biglaan na pagbabago sa pag-uugali at sa pag-iisip. Na sa tingin namin, sa mga sintomas na pinapakita ng pasyente, more on ‘endocrine’ problem siya.”
Nagrekomenda ang mga doktor ng ilan pang laboratory tests para mas mapag-aralan ang kalagayan ni Maya.
May hinala rin ang psychiatrist na si Dr. Rosemina Quirapas, na may endocrine problem si Maya, at intellectual disability.
“Bata pa siya, pinanganak na siyang ganyan. Kahit na 28 years old siya, 'yung capacity ng utak niya is only 9 to 12. Pero what we're doing right now is to prevent the complications. I'm going to give the medicine para doon sa behavioral problems niya. She might have an endocrine problem kasi because of the other symptoms. So puwede na mga pituitary problems,” paliwanag ni Quirapas.
Habang kailangan pang isailalim si Maya sa iba pang lab test, may mga tulong naman silang natanggap mula sa lokal na pamahalaan. Tunghayan ang buong kuwento sa video. – FRJ, GMA Integrated News
