Isiniwalat ni Kris Aquino na sasailalim siya anim na buwan na preventive isolation na bahagi ng paglaban sa kaniyang multiple autoimmune diseases. Aminado rin siya na mahirap tanggapin na maaaring hindi na niya masilayan ang bukas sa tuwing matutulog siya sa gabi.

Sa Instagram nitong Lunes, ibinahagi ng Queen of All Media na kailangan niyang gumawa ng “brave choice” dahil sa kaniyang autoimmune diseases na “increasing in number” umano.

“Trust me, it’s difficult to accept every night when I sleep that there may be no tomorrow for me,” saad niya.

Inihayag din ni Kris na dalawang buwan siyang tumira kamakailan sa isang private beach property ng isang “kind and generous” family na nais na pagtuunan niya ang kaniyang paggaling.

Sa panahong iyon, napagpasyahan na ipagpatuloy umano ang gamutan ng isa pang yugto ng malakas na immunosuppressant infusion, na tumatagal ng anim hanggang walong oras. Kasabay nito ang dalawa pang gamot na iniinom niya araw-arawang isa, at itinuturok naman ang isa pa.

Dahil sa naturang gamutan, magiging “totally wipe out” umano ang kaniyang immune system kaya kakailanganin niyang mag-isolate ng hindi bababa sa anim na buwan.

“I’ll live in our compound in Tarlac; my Cojuangco cousins and I fondly call it Alto,” saad niya. “Please continue praying, kailangan na kailangan ko,” she added.

 

 

Nitong nakaraang Abril, sinabi ni Kris na siyam na ang kaniyang autoimmune diseases.

Huling nakita ng publiko si Kris nang dumalo siya sa People Asia People of the Year 2025 awards night para suportahan ang kaibigan na si Michael Leyva. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJ GMA Integrated News