Inilahad ni Kim delos Santos na hindi pa niya muling nakakausap nang personal ang dati niyang asawa na si Dino Guevarra mula nang maghiwalay sila noong 2004. May inamin din ang aktres tungkol sa namayapang dating aktor na si Red Sternberg.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, naging bisita si Kim, na nagbalik-Pilipinas mula sa Amerika, at inihayag din ang planong subukan muli ang showbiz.

"We haven't really spoken, until today. There was one time that I think nag-reach out siya. He did send an email. Things like that. But then after that wala na rin," anang aktres na nakabase na ngayon sa US.

"It was a like a simple parang, 'why did you leave?' I guess he wanted to fix things, this was after I left. I guess he wasn't expecting it. So 'yun lang, pero hindi naman ako nag-reply," dagdag ni Kim.

Sinabi rin ni Kim na nagpadala ng friend request sa kaniya si Dino sa Facebook pero tinanggihan niya ito.

"Noong time na 'yon bitter pa ako. So hindi ko naman siya in-add. Sabi ko, 'ba't ko naman to i-add 'to? 'Di naman kami close," pag-amin niya.

Pero paglipas ng panahon, sinabi ni Kim na naging kaibigan niya ang naging asawa ni Dino na si Karen.

"She posted something on Facebook that made me think. Sabi niya, 'Some people made mistakes, but it doesn't mean they're a bad person.' It wasn't about me in my head, or Dino, but then at that point it just hit me na parang you know what. I think it's time for me to talk," kuwento niya.

Kasunod nito, sinabi ni Kim na nagpadala siya ng mensahe kay Karen upang ipaalam na tapos na para sa kaniya ang nakaraan.

"Kasi I was at peace. 'Yung sa aming dalawa ni Dino at that time, natanggap ko na. Nag-start na akong mag-count ng blessings, kasi kung hindi niya ginawa 'yon hindi ako makakapag-school, hindi ako magiging nurse, hindi ko makakasama ang daddy ko, ang pamilya. So it was like everything happened for a reason," ayon sa aktres.

Bagaman hindi pa niya nakakausap si Dino, sinabi ni Kim na nakaharap na niya si Karen.

"I met her. Nagkita kami sa mall. Nakita ko rin si Antoinette [Taus]. We have a picture together. Then when I was doing a charity event last year, nag-donate siya. She helped me. No questions asked," patuloy niya.

Sa naturang panayam, inilahad din ni Kim na naging unang nobyo niya ang namayapang dating aktor na si Red Sternberg, na kasamahan din nila noon sa "T.G.I.S."

Ayon kay Kim, nagkaroon din siya ng ibang kasintahan na Pinoy sa Amerika na tumagal ng 11 taon pero nauwi rin sa hiwalayan.

Ikinasal sila Kim at Dino noong 2002 at naghiwalay noong 2004. Matapos ang kanilang hiwalayan nagtungo sa US si Kim at nag-aral ng nursing. — mula sa ulat ni Jade Veronique Yap/FRJ GMA Integrated News