Isang dating tricycle driver na hinuli noon dahil sa pagbebenta ng patingi-tinging gasolina, nagsumikap hanggang sa magkaroon ng legit na gasolihan sa Buenavista, Marinduque. Ang sikreto niya sa tagumpay, alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Alex Fabella, na bunso sa 10 magkakapatid. Sa murang edad, natuto na siyang magbanat ng buto sa bukid. Kabilang ang pag-uuling ng kahoy, pagkopra, pagtatalop ng palay at pag-aalaga ng hayop.
Iginapang ni Alex ang sarili para makapagtapos ng high school sa kabila ng hirap. Gayunman, hindi na siya nakapagtapos ng kolehiyo dahil sa kakapusan sa pinansiyal.
Kaya sa edad 19, lumuwas pa-Maynila si Alex at pinasok ang iba’t ibang trabaho. Dito nagkrus ang landas nila ng dati niyang kaklaseng si Ederlyn, hanggang sa magkamabutihan sila at umuwi ng Marinduque noong 1994 para bumuo ng sariling pamilya.
Nang makaipon, nakabili si Alex ng isang tricycle na kaniyang ipinamasada, at inaabot minsan ng gabi. Para magkaroon ng dagdag-kita, nangangalakal din siya mga bakal at bote.
At nang muling makaipon, nagbenta na siya ng tingi-tinging gasolina na nasa bote ng softdrinks, at mga kapuwa niya mga tricycle driver ang madalas na bumibili.
Pero dahil bawal ang magbenta ng tingi-tinging gasolina, kinumpiska ang kaniyang produkto at hinuli siya.
“Hinahabol ako ng mga may-ari ng gasolinahan dahil colorum ako eh. Nagagalit ‘yung mga legit na may gasolinahan. Ako'y pinahuli. Itinigil ko,” sabi ni Alex.
Gayunman, nananatili pa ring inspirasyon ni Alex ang kaniyang mga anak para magsumikap upang mabigyan niya nang maayos na buhay. ang pamilya.
“‘Pag natutulog 'yung mga anak ko, tinitingnan ko. ‘Yan ang pangarap ko sa mga anak ko noong panahon na ‘yun, na sila ay makalasap din ng gaya ng nalalasap na ibang kabataan,” sabi ni Alex.
“Tumatak po sa isip ni papa na kapag naging successful po siya sa buhay, bibili siya talaga ng sasakyan para sa amin,” saad ng anak ni Alex na si Jaya Fabella.
Muli siyang sumugal na maging may-ari ng isang gasolinahan at nangutang sa isang negosyante na kakilala ng kaniyang kaibigan.
Pero gaya ng ibang pumapasok sa negosyo, hindi naging madali ang simula ni Alex. Nalugi ang inumpisahan niyang gasolinahan.
“Naloko ako noong mga panahon na ‘yun. Kasi may tauhan akong hindi mapagkatiwalaan. Nalugi ako. Nagkautang pa ako ng P3.7 million sa Lucena noon,” kuwento niya.
Para makabawi, nagbenta si Alex ng mga naipundar niyang gamit gaya ng luma niyang sasakyan na naibenta niya ng P100,000.
Dito, muli niyang itinayo ang naluging gasolinahan.
“Malakas ang loob ko. Sabi ko, bahala na ang Diyos dito siguro. Naging maayos din ang tao ko, natututukan ko na,” ayon kay Alex.
Lumago ang naturang gasolinahan hanggang sa naparami niya ito na mayroon na ngayong 17 sangay sa Marinduque.
Hanggang sa nakapagpundar na si Alex ng mga sasakyan, nakapagpatayo ng mga bahay, at nakabili ng mga lupa.
At kahit maayos na ang buhay, hindi kinakalimutan ni Alex ang kaniyang pinagmulan. Nagbibigay din siya ng tulong na gasolina at bigas sa mga dati niyang kasamahan na tricycle drivers.
Tunghayan sa “KMJS” ang buong kuwento ni Alex. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
