Isang lalaki ang hinabol at natapakan ng elepante na nagulat umano sa flash ng camera matapos siyang mag-selfie kasama ito sa Karnataka, India.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang video kung saan bigla na lamang tumakbo ang elepante at hinabol ang turistang lalaki.

Kalaunan, nadapa ang lalaki at natapakan siya ng elepante. Nahubaran pa ang lalaki.

Batay sa salaysay ng isang saksi, nag-selfie ang lalaki kasama ang elepante habang kumakain ito.

Hanggang sa tila magulat ang elepante sa flash ng camera at nagalit ito.

Sugatan ang lalaki, na pinagbayad ng 25,000 Indian rupees o katumbas ng mahigit P16,000 dahil sa paglabag sa wildlife safety rules sa lugar. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News