Mistulang nalagay sa hot seat si Zoren Legaspi nang maging bisita sila ng kaniyang asawa na si Carmina Villarroel sa “Fast Talk with Boy Abunda,"  kung saan napag-usapan ang tungkol sa “tukso.”

Sa episode ng programa nitong Martes, naging bukas ang mag-asawa na pag-usapan ang tungkol sa tukso sa mag-asawa. Pero nabaling kay Zoren ang usapan nang talakayin ang pagiging marupok ng asawa.

Ipinaliwanag ni Zoren ang pananaw niya hindi nawawala ang tukso, lalo na ngayong may social media at maaaring mapadalhan ng private massage ang lalaki. Dagdag niya, kung mapapabayaan ang asawa, maaaring maging "marupok" nga ito.

Dito na tinanong ni Carmina si Zoren: "Naging marupok ka na ba?"

Dahil sa posibleng hindi inasahan ng aktor ang tanong ng asawa, inulit ni Zoren ang tanong.

"Kita mo 'yan? Kapag inuulit-ulit ang tanong, ibig sabihin, parang sinasabi niya, 'I'm guilty,'" hirit ni Carmina sa asawa.

Muli ring inulit ni Tito Boy kay Zoren ang tanong ni Carmina kung naging marupok na siya sa pagsasama nilang mag-asawa.

“Muntik na,” pag-amin ni Zoren.

Ang dahilan kaya raw niya napaglabanan ang pagiging marupok, ang "spiritual" na mahalaga umano.

Sinabi rin ni Zoren na wala siyang reklamo sa pag-aasikaso sa kaniya ni Carmina. Bagaman may panahon na nahumaling umano ang aktres sa panonood ng Korean series kaya nawalan siya noon ng kausap.

Taong 2012 nang ikasal sina Carmina at Zoren, nabibiyayaan sila ng kambal na anak na sina Cassy at Mavy.

Bibida ang Legaspi Family sa upcoming series na "Hating Kapatid." —mula sa ulat ni Carby Rose Basina/FRJ GMA Integrated News