Sinagip ng isang animal welfare advocate ang 12 sa tinatayang 30 aso na dinala at inabandona sa isang isla sa Cordova, Cebu. Ang mga aso, payat na at nag-aabang na lang sa mapapadpad na basura sa mabatong isla na puwede nilang kainin.

Sa ulat ni Fe Marie Dumaboc sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkoles, matatagpuan ang naturang isla na tinatawag na Shell Island, na nasa ibaba ng Cebu-Cordova Link Expressway (CCLEX), ang tulay na nag-uugnayan sa Cebu City at Cordova.

Ipinapadala umano sa naturang isla ng mga amo ang kanilang mga alaga kapag hindi na nila maalagaan.

Nang malaman ni Janice Palermo, isang dog rescuer, ang sitwasyon ng mga aso sa isla, nagsagawa siya ng rescue operation.

Ayon kay Palermo, 12 aso ang kanilang nasagip dahil mailap umano ang ibang aso, habang may ilan naman na kinupkop ng mga tao na naninirahan sa isla.

Dinala ni Palermo ang mga nasagip na aso sa kaniyang dog shelter sa Carcar City, kasama ang iba pang aso na kaniyang nasagip sa nakalipas na dalawang taon.

Ayon kay Dr. Alice Utlang, Cebu City veterinarian, isang team ang ipinadala nila para alamin ang kalagayan ng mga aso. Isang sulat din ipinadala para sa mayor ng Cordova para sa gagawing papunta ng mga tauhan nila sa lugar.

Magsasagawa umano ang Cebu City Veterinary Office ng feeding, vaccination, at neuter/spay, pati pagkapon sa natitirang aso sa isla.

Magsasagawa rin sila ng pagkapon sa mga nasagip na aso ni Palermo.—FRJ GMA Integrated News