Dinisarmahan at isinailalim sa preventive custody ang dalawang lalaking pulis matapos silang ireklamo ng isang kapuwa nila pulis na babae na kanila raw minolestiya sa loob ng patrol car sa Marikina. Ang mga suspek, itinanggi umano ang paratang.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing magkakakilala ang tatlo at magkakasama sa isang unit.
Nangyari umano ang pagsasamantala sa biktima noong gabi ng August 17 sa loob mismo ng police mobile.
“Allegedly isinakay siya ng dalawa niyang kasama sa unit sa Marikina and nag-park sila sa isang area at doon nangyari ang alleged pagmolestiya sa kaniya. Allegedly 'yun nga hinawakan siya nung kasama niya na pulis sa maselan part ng katawan niya,” ayon kay Police Brig. Gen. Aden Lagradante, District Director, Eastern Police District.
“Ang nabasa ko sa ano niya [reklamo] is only hinipuan siya but as to the sexual act hindi pa malinaw,” dagdag ng opisyal.
Ilang raw umano ang lumipas bago nagkalabas ng loob ang biktima na magsampa ng reklamo laban sa mga kabaro niyang pulis.
“May mga sinabi sa kaniya na ‘atin lang ito.’ Then after that after several days doon na-realized ng victim o complainant na she has to report,” sabi pa ni Lagradante.
Inilipat muna sa Eastern Police District ang babaeng pulis habang isinasagawa ng imbestigasyon sa kaniyang reklamo. Maayos naman umano ang kalagayan nito bagaman umiyak at malungkot sa kaniyang sinapit, ayon sa opisyal.
Samantala, nasa preventive custody ng Marikina police ang dalawang inirereklamong pulis na may ranggong Patrolman at Staff Sergeant.
Itinanggi umano ng dalawa ang paratang laban sa kanila kaya aalamin ang kanilang mga naging galaw nang araw na mangyari ang sinasabing pangmomolestiya.
Sinabi ni Lagradante na sasampahan nila ng administrative at criminal charges ng dalawang pulis sa sandaling mapatunayan na totoo ang alegasyon laban sa kanila ng babaeng pulis.—FRJ GMA Integrated News
