Dalawang batang mag-aaral ang nasawi, habang 17 pa ang sugatan sa nangyayaring pamamaril habang nagsasagawa ng Misa sa loob ng simbahan ng isang Catholic school sa Minneapolis, Minnesota, USA. Ang suspek na tinatayang nasa early 20s, patay din matapos magbaril sa sarili.

Sa ulat ng Reuters, inihayag ng mga awtoridad na tatlong baril ang dala ng suspek—isang rifle, isang shotgun at isang pistol, na pawang ipinutok niya sa mga biktimang nagdarasal noon.

Namaril umano ang suspek habang nasa labas ng simbahan at nagpaputok mula sa bintana.

"This was a deliberate act of violence against innocent children and other people worshiping. The sheer cruelty and cowardice of firing into a church full of children is absolutely incomprehensible," ayon kay Minneapolis Police Chief Brian O'Hara.

Nangyari ang pamamaril, dalawang araw pa lang ang nakalilipas mula nang magbalik-eskuwela ang Annunciation Catholic school, isang private elementary school na tinatayang nasa 395 ang mga estudyante.

Nasa loob ng bakuran ng paaralan ang Annunciation Catholic Church, kung saan naganap ang pamamaril.

Ayon sa mga awtoridad, nasa early 20s ang suspek at walang “extensive criminal history.” Inaalam pa nila kung bakit ginawa niya ang karumal-dumal na krimen.

Kabilang sa mga nasugatan ang tatlong adult, at ilan sa mga nasugatan ang malubha umano ang kalagayan.

Batay sa K-12 School Shooting Database, mahigit 140 insidente na ng pamamaril ang nangyari sa US elementary at secondary schools ngayong taon.

Mula noong Martes, may tatlo pang insidente ng pamamaril ang naganap sa midwestern city, kabilang ang nangyari sa isang Jesuit high school, na tatlo ang nasawi at pito ang sugatan, ayon sa pulisya.

Gayunman, pinaniniwalaan na wala itong koneksyon sa nangyaring pamamaril sa Annunciation school na mga batang mag-aaral ang halos lahat ng biktima. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News