Nadakip ang lider ng isang Gapos Gang na umatake ang nanlimas ng pera sa isang rice store sa Bocaue, Bulacan kamakailan. Ang suspek, natuklasan na isang pulis-Batangas.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage nang pasukin ng limang armadong lalaki na naka-bonnet ang tindahan noong Sabado.
Iginapos nila ang mga tao sa tindahan ng bigas at saka kinuha ang mga pera at mga gamit.
“Papasukin nila yung bahay ‘pag nagbukas ng pintuan then papasok sila at then itatali nila yung mga biktima. Lahat ng puwede nilang makuha ay kukunin at kukunin nila,” ayon kay Police Regional Office 3 director Police Brig.Gen. Ponce Rogelio Peñones.
Nitong Miyerkules, isang soft drinks warehouse naman ang inatake ng grupo at doon nakilala sa CCTV footage ang isa sa mga suspek nang bahagyang bumaba ang kaniyang face mask at makita ang kaniyang mukha.
Nag-imbestiga ang mga pulis hanggang sa matukoy nila ang lalaki at naaresto na isa palang pulis na si Police Staff Sergeant Miguel Andrew Oñate, 34-anyos, at nakatalaga sa Tanuan Police sa Batangas.
Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kalibre .45, mga bala, isang pekeng baril, bolt cutter, mga cellphone, plaka ng sasakyan, at mga barya na kinuha mula sa soft drinks warehouse.
Positibong kinilala ng mga biktima ang pulis na suspek na nanloob sa kanila.
“Pag day off siya, doon gumagawa ng pangho-holdap kasama ang kaniyang grupo,” ayon kay Peñones.
Sinabi pa ng awtoridad na nirerentahan ng suspek sa Laguna ang sasakyan na ginagamit nila sa panghoholdap. Inamin umano nito na tatlo na ang kanilang nabiktima.
Walang pahayag ang suspek a mahaharap sa patong-patong na kaso.— FRJ GMA Integrated News
