Hinahanap na ng mga awtoridad ang driver ng pulang kotse na bumaril at pumatay sa isang empleyado ng Meralco sa Dasmariñas, Cavite. Ang biktima, napag-alaman na ilang araw na lang ay magreretiro na sa trabaho.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Police Master Sergeant Wilfred Guevarra, investigator, Dasmariñas PNP, na natunton nila ang nakarehistrong may-ari ng sasakyan na gamit ng suspek matapos na maplakahan ito.

Ayon sa nakarehistrong may-ari ng kotse, naibenta na niya ang sasakyan at itinuro nito kung sino ang nakabili na napag-alaman na residente sa Barangay Salitran 3 kung saan nangyari ang pamamaril noong Miyerkoles.

Pinuntahan na rin ng mga pulis ang bahay ng suspek pero wala nang tao sa lugar.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek.

Napag-alaman naman sa mga kamag-anak na biktima na ilang araw na lang ay magreretiro na ito sa trabaho. Hindi na rin sana papasok ang biktima nang araw na mangyari ang pamamaril pero umalis ito upang pumunta sa main office sa Ortigas.

Ayon kay Guevarra, pupunta sa main office ang biktima dahil may inihandang salo-salo para sa kaniya.

Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na nakasakay sa company vehicle ng Meralco na tumigil habang katapat ang pulang kotse ng suspek sa Abad Santos Avenue sa Brgy. Salitran 3 noong Miyerkoles.

Hindi nagtagal, umarangkada ang pulang kotse at naiwan na ang biktima na binaril na pala.

Inaalam pa kung saan at papaano nagsimula ang iringan sa kalsada ng dalawa na nauwi sa krimen.

Ang isang katrabaho, inilarawan na mabait at hindi mahilig makipag-away ang biktima. – FRJ GMA Integrated News