Naging malakas ang pagsisimula ni Alex Eala sa kaniyang kampanya sa Guadalajara 125 Open sa Mexico, matapos talunin si Arianne Hartono ng Netherlands sa iskor na 6-2, 6-2, nitong Miyerkules ng umaga (oras sa Pilipinas).
Si Eala, na kasalukuyang nasa ika-75 na puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings, ang second seed sa torneo. Habang nasa ika-187 na puwesto naman ang 29-anyos na si Hartono.
Nakamit ng Pinay tennis star ang panalo matapos siyang makaabante mula sa 2-all na tabla sa ikalawang set, at tinapos ang laban sa loob lamang ng isang oras at siyam na minuto.
Sa unang set, agad na lumamang si Eala sa 3-1 bago nakuha ni Hartono ang ikalimang laro. Gayunpaman, bumawi si Eala at kinuha ang susunod na tatlong laro upang mapanalunan ang set.
Sunod na makakaharap ni Eala sa Round of 16 ang 39-anyos na si Varvara Lepchenko, ng Amerika.
Ito ang ikalawang torneo ni Eala mula nang makabalik mula sa injury. Una siyang sumabak sa US Open na naging makasaysayan para sa Pinay tennis player bilang kauna-unahang Pilipino na nanalo sa isang Grand Slam main draw match.
Gayunpaman, natigil ang kaniyang kampanya sa ikalawang round matapos siyang talunin ni Cristina Bucsa ng Spain.
—FRJ GMA Integrated News
