Baha na lampas tao ang taas ang naranasan ng mga residente sa Barangay San Francisco sa Baao, Camarines Sur noong nakaraang taon dahil sa bagyong Kristine. Posible umanong naiwasan ito kung natapos lang ang ginagawang riprap doon na limang kilometro ang haba.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, nagsalita ang mga opisyal ng barangay para punahin ang umanong palpak na gawa ng kontratista sa naturang flood control project.

“Kami nga nagsasabi sa kanila dapat pagandahin niyo yung programa niyo. Para kami naman na taga-San Francisco, hanggang buhay pa ‘yan, maprotektahan sana,” ayon kay Barangay chairperson Orestes Rasonable.

Bago pa man tumama ang bagyong Kristine noong nakaraang taon, natigil na raw ang paggawa sa riprap na poprotekta sana sa mga residente kapag umapaw ang ilog.

Ipinaalam na rin daw ng mga barangay official sa mga lokal na opisyal ang pagkakatengga ng proyekto pera wala rin umanong nangyari.

“Nagbabantay kami doon. Wala kaming magawa sa kontratista. ‘Pag nagsasalita kami, ‘Paalam kayo kay boss’. Sino ang boss nila? Dapat kami sa barangay council bigyan nila ng asikaso,” sabi ni Rasonable.

Naiwan sa lugar ang ilang kagamitin sa proyekto gaya ng back hoe. Pero wala na project board na pinaglalagyan ng detalye ng proyekto gaya ng halaga nito at sino ang kontratista.

Pinuna rin ang kalidad ng pagkakagawa sa proyekto na tila napupulbos ang semento.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makakuha ng komento sa Department of Public Works and Highways 5th District Engineering Office tungkol sa naturang proyekto pero walang nais magbigay ng pahayag.

Wala ring nais magsalita mula sa tanggapan ng alkalde ng Baao, at maging sa Municipal Engineering Department.

Batay sa datos na nakuha ng GMA Integrated News Research mula sa Sumbong sa Pangulo website, mayroong 250 proyekto sa Camarines Sur na nagkakahalaga ng P17.5 bilyon na pinakamalaki sa buong Bicol Region.

Samantala, mayroong 866 flood control projects na nagkakahalaga ng P49.61 bilyon sa buong Bicol Region, na pangatlo sa Central Luzon at National Capital Region sa dami ng proyekto.— FRJ GMA Integrated News