Magkasunod na tinalo ng Pinay tennis player na si Alex Eala ngayong Biyernes (Philippine time) ang dalawa niyang nakatunggali sa Guadalajara 125 Open sa Mexico para makalusot siya sa semifinals ng torneo.

Matapos suspendihin ang mahigpit na laban nila ni Varvara Lepchenko ng Amerika nitong Huwebes dahil sa pag-ulan, nagpatuloy ang kanilang laro nitong Biyernes para sa Round of 16, at iminarka ng pambato ng Pilipinas ang tagumpay sa iskor na 6(3)-7, 7-6(3), 6-3.

Bago natigil ang kanilang sagupaan sa set 3, bahagyang lamang si Eala sa iskor na 3-2.

Ilang oras matapos ang panalo niya kay Lepchenko, sunod na nakaharap ni Eala si Nicole Fossa Huergo ng Italya para sa quarterfinals.

Bagaman naging mahigpit ang laban nila sa unang set na 7-6(2) na pabor kay Eala, mas madali naman niyang nagapi si Huego sa set 2 sa iskor na 6-2.

Dahil sa kaniyang panalo, pasok na si Eala sa semifinals ng torneo, at makakaharap niya si Kayla Day ng Amerika sa Sabado.

 

 

—FRJ GMA Integrated News