Mariing itinanggi ng ilang kongresista ang alegasyon ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya na humingi sila ng porsiyento sa mga proyektong may kaugnayan sa flood control projects.

Ginawa ng mag-asawa ang alegasyon sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Rodante Marcoleta nitong Lunes.

Ayon sa mag-asawang Discaya, handa silang maging state witnesses kaugnay sa naturang usapin.

Ang mga kongresista na tinukoy ng mag-asawang Discaya na kumukuha umano ng porsiyento sa proyekto ay sina:

  • Pasig City Rep Roman Romulo
  • Uswag Ilonggo Partylist Rep. Jojo Ang
  • Quezon City Rep. Patrick Michael Vargas
  • Quezon City Rep. Juan Carlos "Arjo" Aitayde
  • Agap Partylist Rep. Nicanor "Nikki" Briones
  • Marikina Rep. Marcelino "Marcy" Teodoro
  • San Jose del Monte, Bulacan Rep. Florida Robes
  • Romblon Rep.  Eleandro Jesus Madrona
  • Rep. Benjamin "Benjie" Agarao, Jr.
  • An-waray Partylist Rep. Florencio Gabriel Bem Noel
  • Occidental Mindoro Rep. Leody "Ode" Tarriela
  • Quezon Rep. Reynante "Reynan" Arogancia
  • Quezon City Rep. Marvin Rillo
  • Aklan Rep. Teodorico "Teodoro" Haresco
  • Zamboanga Sibugay Rep. Antonieta Yudela
  • Caloocan City Rep. Dean Asistio
  • Quezon City Rep. Marivic Co Pillar.

Tinukoy din si dating Office of the Presidential Assistant for the Visayas of the Philippines Undersecretary Terrence Calatrava sa pahayag.

Ayon kay Curlee Discaya, maging ang mga tauhan ng ilang politico ay humihingi rin ng bahagi sa hatian sa pondo ng proyekto.

Samantala, ang mga opisyal naman ng DPWH na sinasabing sangkot din umano sa katiwalian ay sina: 

  • Regional Director Virgilio Eduarte of DPWH Region V
  • Director Ramon Arriola III of Unified Project Management Offices
  • District Engineer Henry Alcantara of DPWH Bulacan 1st District
  • Undersecretary Robert Bernardo
  • District Engineer Aristotle Ramos of DPWH Metro Manila 1st District
  • District Engineer Edgardo Pingol of DPWH Bulcana Sub-Deo
  • District Engineer Michael Rosaria of DPWH Quezon 2nd DEO

Sa isang pahayag, iginiit ni Madrona, na wala siyang proyekto na hinawakan ng mag-asawa.

''I strongly deny the statement of Discaya,'' ani Madrona. ''To my recollection, wala akong project sa kanya, so anong basehan ng sinabi niyang pagbigay niya sa akin?”

Ayon kay Madrona, may nadinig siyang nag-bid sa mga proyekto sa Romblon ang mga Discayas pero wala siyang alam at partisipasyon kung papaano nagkaroon ng bayaran kung mayroon man.

Sinabi naman ni dating San Jose del Monte, Bulacan Rep. Robes, na alkalde na ngayon sa lungsod, at kabilang din sa mga pinangalanan ng mag-asawang Discaya, na sasampahan niya ng libel case si Curlee Discaya.

“Kung sino man gumagamit ng pangalan ko, mangilabot naman kayo,'' giit ni Robes sa pahayag.

“Kitang-kita naman ng marami kung gaano na kaganda ang San Jose del Monte ngayon. Walang ghost project dito at pang-world class ang aming mga infrastructure,” patuloy niya.

Tinawag man ni Marikina Rep. Teodoro, na diversionary tactics ang mga alegasyon ng mag-asawa para mailayo ang atensyon sa mga tunay na sangkot sa katiwalian sa flood control projects.

''Walang katotohanan ang mga paratang ng mga Discaya. Isa lang itong demolition job—a cheap shot para siraan ako,'' ani Teodoro.

Wala umano siyang tinanggap na pera o pabor kapalit ng impluwensiya sa pulitika o anuman tungkol sa lehislatura.

''With this, I am now contemplating on filing charges against the Discayas for lying and for trying to besmirch my good reputation,'' saad niya. ''I am planning to file perjury dahil may false testimony sila in a legislative hearing, and perjury dahil they are under oath.”

Itinanggi rin ni QC Rep. Atayde ang alegasyon na nakinabang siya sa mga kontratista.

''I have never used my position for personal gain, and I never will. I will avail of all remedies under the law to clear my name and hold accountable those who spread these falsehoods,'' ani Atayde.

Itinanggi rin ni Pasig Rep. Romulo at iginiit na hindi totoo ang alegasyon ng mga Discaya.

Sinabi naman ni Occidental Mindoro Rep. Tarriela, na ang DPWH ang tanging namamahala sa mga proyekto at wala siyang partisipasyon.

''Ang pagtukoy at pagpapapondo ng malalaking national government projects tulad ng flood control ay trabaho ng DPWH Regional o National Office, at hindi ng congressman,'' paliwanag niya.

Si Rep. Vargas, itinanggi rin ang paratang at sinabing walang proyekto ang mga Discaya sa kaniyang distrito.

“Walang project ang mga Discaya sa district (5th district) natin kailanman. Zero. This is confirmed and certified. I will file a case against them for this blatant lie. My track record speaks for itself,” saad niya sa pahayag. —FRJ GMA Integrated News