Hindi naiwasan ng isang mister na maging emosyonal dahil hindi niya mabigyan ng disenteng libing ang kaniyang misis matapos na pumanaw noong Enero sa ospital sa Biñan, Laguna. Hindi raw kasi pumayag ang pamunuan ng pagamutan na makuha ang katawan ng ginang dahil may balanse pa sila sa bayarin na umaabot sa P1.2 milyon.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News 24 Oras nitong Miyerkoles, sinabi ni Ted Coronado, na pumanaw ang kaniyang maybahay na si Michelle nitong nakaraang Enero sa ospital dahil sa sakit na lupus.
Umabot umano sa P1.8 milyon ang kanilang bayarin sa ospital na naibaba niya sa P1.2 milyon matapos na lakarin ang mga “guarantee letter” mula sa mga ahensiya ng gobyerno.
Gayunman, aminado siya na hindi na niya kayang bayaran ang natitirang balanse dahil sa kakapusan sa pinansiyal at tricycle lang ang kaniyang ikinabubuhay.
Kaya makalipas ang halos walong buwan, nananatili sa ospital ang labi ng kaniyang kabiyak.
“Ginagawa ko lahat para makapagpahinga [na] siya nang maayos. Mabigat na po yung pakiramdam ko talaga kasi hindi na po nawawala sa isip ko, naapektuhan na rin yung buhay namin,” naiiyak niyang pahayag.
“Gusto ko lang pong makapaghinga na siya nang maayos,” saad pa niya.
Dumulog si Ted sa “Kapuso Action Man,” na nakipag-ugnayan naman sa Department of Health (DOH) upang ipaalam ang problema tungkol sa bangkay na hindi mailabas sa ospital.
Ayon sa DOH, ang hindi pagpayag ng ospital na mailabas ang bangkay ng isang nasawing pasyente ay labag sa batas na Republic Act 4226 o ang Hospital Licensure Act, at R.A. 9439 o Anti-hospital Detention Law.
Nakipag-ugnayan ang DOH sa pamunuan ng ospital at iniutos ibigay sa kamag-anak ang labi ng nasawing pasyente sa pamamagitan ng “promissory note” o kasunduan kung papaano mababayaran ang balanseng bayarin.
Sa pahayag ng ospital, tiniyak nito na susunod sila sa alintuntunan ng DOH, at nakipag-ugnayan din upang linawin ang naturang usapin.
Lumitaw na wala pang napipirmahang promissory note sa panig nina Ted para mailagay sa kanila ang bangkay ng pasyente.
Handa naman ang pamunuan ng ospital na makipagtulungan sa nagluluksang pamilya.
Matapos nito, napag-alaman na nailabas na ang mga labi ni Michele mula sa ospital, at naihatid na siya ni Ted sa kaniyang huling hantungan. – FRJ GMA Integrated News
