Hindi halimaw kung hindi manok na ni-lechon ang makikita sa loob ng banga sa pinipilahang kainang na nasa tabing-daan sa Dumaguete City, Negros Oriental. Ang lasa raw ng lechon sa banga, pasok na pasok sa banga.

Sa programang “Biyahe ni Drew,” itinampok ang “Banga Roasted Lechon Manok” ni Stanley Fabillar, o mas kilala bilang si Kuya Tats, na kabubukas lamang ngayong taon.

Ayon kay Kuya Tats, matagal na siyang recipe sa kaniyang manok ngunit hindi niya masimulan dahil mahal ang mga sangkap nito.

Hanggang sa noong magpunta siya sa Middle East, nakakita siya ng sobrang lambot na manok na niluluto sa banga.

“Banga ‘yung ilalim niya. Doon, pumasok sa isip ko, ‘Puwede ‘to ah!’” kuwento niya.

Para sa kaniyang recipe, sinasamahan ni Kuya Tats ang manok ng tanglad bago isasabit sa loob ng banga. Paiinitin ang manok sa loob ng mahigit isang oras.

Sa presyong P280 lamang, makabibili na ng manok na niluto sa banga ni Kuya Tats.

Tunghayan sa Biyahe Ni Drew ang paghahanda ni Kuya Tats sa kaniyang manok na niluto sa banga, at pasado ba ito sa panlasa ni Drew? Panoorin.—FRJ GMA Integrated News