“Unicorn in the cat world.” Ganito kung ilarawan ang uri ng isang pusa na mukhang pangkaraniwan pero natuklasan ng kaniyang amo na isa palang napaka-pambihira nang dalhin niya ito sa beterinaryo para ipakapon sa Pangasinan.

Sa ulat ni Kuya Kim sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing may tatlong kulay ang alahibo ng pusa: patse-patseng itim, puti at orange—na pattern ng mga “Calico” cat.

Pero ang labis na ikinagulat ng beterinaryo ay nang makita niya na lalaki ang pusa.

“Talagang nagulat dahil we didn’t expect to see one. Even the pet parent was surprised na rare pala ‘yung cat. Ito ‘yung tinatawag natin na unicorn in the cat world. We didn’t expect din na ‘yung kaniyang color is very clear,” ayon sa Pet Partner Philippines founder at CEO na si Dr. Glenn Albert Almera.

“Masayang-masaya po ako noong nakita ko po na meron na akong male calico kaya kineep ko po talaga siya,” sabi naman ng fur parent na si Marisol Rodilla.

Ayon kay Kuya Kim, napaka-pambihira na magkaroon ng lalaking calico cats na isa lang umano sa bawat 3,000 calico cats.

Bunga umano ito ng genetics sa kulay ng balahibo nila.

Konektado umano ang kulay ng balahibo ng pusa sa X chromosome. Para maging calico, kailangan ng pusa ang dalawang X chromosomes.

Ang babaeng pusa ay mayroong dalawang X chromosomes (XX), kaya sila ang nagiging karaniwang kasarian ng calico. Habang lalaki, mayroong isang X at isang Y chromosome (XY), kaya isang kulay lang ang kaya nila sa balahibo.

Kung minsan, nagkakaroon umano ng lalaking calico cat dahil sa genetic mistake na ang lalaking pusa ay isinilang na may ekstrang X chromosome (XXY).

Dahil sa genetic anomaly, nagkakaroon sila ng kulay orange, puti at itim sa balahibo.

Karamihan din umano sa lalaking calico cat ay may problema sa kalusugan at hindi nagtatagal ang buhay.

Kaya masaya rin si Dr. Almera nang malaman na malusog ang nakita niyang pambihirang calico cat.

“It's very rare to see a matured male one. So talagang walang plan. It's just a surprise,” ani Dr. Almera.

Ayon pa kay Kuya Kim, sa ibang bansa– gaya sa Japan— ay itinuturing na nagdadala ng buwenas o masuwerte ang mga calico cat.

Kaya bilangin na ang kulay ng balahibo ng mga nakikitang pusa sa inyong lugar at alamin ang kanilang kasarian baka isa rin pala siya sa itinuturing “unicorn in the cat world.”.—FRJ GMA Integrated News