Ilang celebrities ang nakiisa sa September 21 rally sa Luneta at People Power monument sa EDSA para tuligsain ang katiwalian sa pamahalaan, partikular sa maanomalya umanong flood control projects.
Kabilang si Vice Ganda sa mga dumalo sa pagtitipon sa People Power monument kung saan may panawagan siya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na ipakulong ang lahat ng magnanakaw.
Sa video ni DZBB reporter Luisito Santos, sinabi ni Vice Ganda na dapat sundin ni Marcos ang utos ng kaniyang mga tunay na "employers"—ang mga Pilipino.
"Para magkaroon ng magandang legasiya ang pangalan mo, ipakulong mo ang lahat ng magnanakaw," ani Vice.
"Nakatingin kami sa 'yo Pangulong Marcos at inaasahan ka namin hindi dahil sa idol ka namin, kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan namin na tutuparin mo ang inuutos naming mga employer mo," dagdag niya.
Sa Instagram story, ibinahagi ni Vice ang isang larawan niya habang hawak ang placard na, "DPWH Department na Puro Walang Hiya."
Ilan pa sa mga celebrities na nakiisa sa protesta ay sina Dingdong Dantes, Kuya Kim Atienza, Mika Salamanca, Gabbi Garcia, Khalil Ramos, OPM band Ben&Ben, Anne Curtis, Jasmine Curtis-Smith, Donny Pangilinan, Darren Espanto, Cristine Reyes, Tessie Tomas, Jodie Sta. Maria, Angel Aquino, Rhian Ramos, at marami pang iba.
Tinatayag nasa 100,000 katao ang mga dumalo sa mga kilos protesta sa Rizal Park na tinawag na "Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon," at sa EDSA People Power Monument na "Trillion Peso March."
— FRJ GMA Integrated News

