Sasailalim sa chemo, radiation therapy ang singer at komedyanteng si Ate Gay kasunod ng kaniyang laban sa stage 4 cancer.

Sa kaniyang Facebook post ngayong Martes, sinabi ni Ate Gay na gagawin ang naturang procedure sa Asian Hospital and Medical Center, sa tulong ng hindi nagpakilalang donor na tinawag niyang “anghel.”

“Magandang Balita po magpapachemo at radiation na po ako sa Asian Hospital ng Libre sa tulong ng isang Anghel,” saad niya.

Nagpasalamat din siya sa mga nagpapadala sa kaniya ng mga mensahe.

“Hindi ko man ma-reply-an [lahat], taos puso akong nagpapasalamat sa sobrang dami,” dagdag niya. “Patuloy lang po ang panalangin.”

Ilang saglit matapos din siyang mag-post na naghahanap siya ng marerentahan na condo o apartment unit sa loob ng 35 araw na malapit sa ospital habang isinasagawa ang gamutan sa kaniya, inihayag ni Ate Gay na may nag-alok na agad sa kaniya nang matutuluyan at libre.

“Nasa america daw sya at walang nakatira sa unit nya huhuhu thank you po (heart emojis) fan ko daw lolo nya,” ani Ate Gay sa hiwalay na post.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Ate Gay kung paano nagsimula ang paglabas ng bukol sa kaniyang leeg na una niyang inakala na beke.

Nang una niya itong ipinasuri, lumitaw na benign o hindi cancerous ang bukol. Kaya nagawa pa niyang makapagtrabaho at makapag-show sa ibang bansa.

Ngunit nang muli siyang magpasuri matapos na dumugo ang bukol, doon na natuklasan na malala na ang cancer niya na mucoepidermoid squamous cell carcinoma

Ikinuwento rin ni Ate Gay na tutol ang iba niyang kamag-anak na sumailalim siya sa chemo at radiation therapy dahil na rin sa nangyaring karanasan ng isa nilang kapatid na namatay din dahil sa cancer.

Nitong Lunes, nag-post ng larawan si Ate Gay na nakangiti na pagpapakita ng mukha ng pag-asa sa kaniyang laban sa stage 4 cancer.

“Nabigyan ako ng pag asa…. Thank you sa Dasal,” saad ng komedyante kaugnay ng pagpunta niya sa Asian Hospital and Medical Center. — mula sa ulat ni Hermes Joy Tunac/FRJGMA Integrated News