Bilang bahagi ng mga hakbang upang mabawi ang umano’y ill-gotten wealth ng mga taong sangkot sa kontrobersiyal na flood control projects, hiniling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga air asset na aabot sa halos P5 bilyon, at nakarehistro sa mga kompanya na may kaugnayan kay Ako Bicol party-list Representative Elizaldy "Zaldy" Co at sa kaniyang kapatid na si Christopher Co.

Sa isang press conference sa Maynila nitong Miyerkules, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na nagsumite ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng listahan ng mga air asset na nakarehistro sa Misibis Aviation & Development Corp., na pinamumunuan ng anak ni Zaldy Co na si Michael Ellis.

Umabot sa kabuuang $74.650 milyon ang halaga ng mga aircraft na nakarehistro sa Misibis Aviation, kabilang ang isang Gulfstream 350 na nagkakahalaga ng $36 milyon at isang Agusta Westland AW1399 na nagkakahalaga ng $16 milyon.

Samantala, ang Hi-Tone Construction and Development Corp. ni Christopher Co ay may kabuuang $7.940 milyong halaga ng mga air asset na nakarehistro sa CAAP, kabilang ang isang Augusta A109E na nagkakahalaga ng $6.9 milyon.

Kaugnay nito, hiniling din ng DPWH ang pag-freeze ng isang Bell 505 aircraft na nagkakahalaga ng $2 milyon na nakarehistro sa QM Builders, isa sa top 15 contractors na binanggit ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., at pinamumunuan ng isang Allan Quirante.

Humingi ng komento ang GMA News Online mula sa mga opisina nina Zaldy Co, Hi-Tone Construction and Development Corp., at QM Builders ukol sa isyu, ngunit wala pa silang tugon.

Matatandaang una nang hiniling ng DPWH sa Land Transportation Office (LTO), Land Registration Authority (LRA), CAAP, at Maritime Industry Authority (MARINA), na magsumite ng kompletong imbentaryo ng lahat ng uri ng sasakyan-- panlupa pandagat at maging ng mga aircraft -- na nakarehistro sa pangalan ng mga opisyal ng DPWH at ilang kontratista.

Sinabi ni Dizon na isusumite ng DPWH ang listahan ng mga air asset sa AMLC upang maisailalim ito sa posibleng asset freezing.

"Hindi kami titigil hanggang hindi nababawi ang pera ng taumbayan,” ayon kay Dizon.

Dagdag pa niya, ang listahan ay isusumite rin sa Department of Justice at sa Independent Commission on Infrastructure upang makatulong sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng mga iregularidad sa flood control projects.

"Sabi ng Pangulo bawiin ang pera ng taumbayan at kasama na po ito," ani Dizon. — mula sa ulat ni Ted Cordero/FRJ GMA Integrated News