Inanunsyo ng Malacañang ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa paaralan sa lahat ng antas sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigan sa Biyernes bilang paghahanda sa inaasahang pananalasa ng bagyong “Opong.”

Ayon sa Memorandum Circular No. 102, suspendido rin ang trabaho sa pamahalaan at mga klase sa mga sumusunod na probinsiya sa Setyembre 26:

  • Eastern Samar
  • Northern Samar
  • Samar
  • Masbate
  • Romblon
  • Sorsogon

Bukod pa rito, suspendido rin ang klase sa lahat ng antas sa mga sumusunod na lugar upang matiyak ang kaligtasan ng publiko:

  • Aklan
  • Albay
  • Antique
  • Batangas
  • Bataan
  • Camarines Norte
  • Camarines Sur
  • Capiz
  • Cavite
  • Catanduanes
  • Guimaras
  • Iloilo
  • Laguna
  • Leyte
  • Marinduque
  • Negros Occidental
  • Oriental Mindoro
  • Rizal
  • Quezon

Gayunpaman, ang mga ahensiyang may kinalaman sa pangunahing serbisyo, kalusugan, at pagtugon sa mga emergency ay kailangang manatiling bukas upang matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo publiko.

Samantala, ang mga empleyado ng pamahalaan na hindi kabilang sa mga pangunahing serbisyo ay maaaring magtrabaho sa ilalim ng alternatibong work arrangements, alinsunod sa umiiral na batas, alituntunin, at regulasyon.

Ang lokal na kanselasyon o suspensyon ng klase o trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa ibang mga lugar ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executives, alinsunod sa itinatakda ng mga batas at panuntunan.

WALANG PASOK:  Mga suspendidong klase sa Biyernes, September 26, 2025

Ang suspensyon ng trabaho sa mga pribadong kumpanya at opisina ay nakadepende sa desisyon ng kani-kanilang mga pinuno. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ GMA Integrated News