Hindi napigilan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mapamura sa galit sa nabistong “ghost” flood control project umano sa Jose Abad Santos, Davao Occidental. Nabayaran na ng P96.5 milyon ang proyekto makaraang ideklarang tapos na noong 2022, ngunit dinatnan na tila sinisimulan pa lang gawin. Ang nakakuha ng proyekto, ang St. Timothy Construction Company na konektado sa mga Discaya.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing kasama ni Dizon na nag-inspeksyon sa proyekto sa Barangay Culaman, si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser and Baguio City Mayor Benjie Magalong.

Nalaman ni Dizon na 2021 pinondohan ang proyekto, at ipina-bid sa nasabi ring taon. Nai-award ang proyekto sa St. Timothy noong Enero 2022 at natapos ang kontrata o nakompleto ang proyekto noong Oktubre 2022 kaya binayaran na.

Ngunit dinatnan nina Dizon at Magalong na tila sinisimulan pa lang ang konstruksyon sa lugar na batay sa mga residente sa lugar ay ilang linggo pa lang ang nakararaan.

Hinala ni Dizon, inaapura na gawan ng konstruksyon sa ilog dahil sa gagawing pag-inspeksyon nila doon.

Layunin sana ng proyekto na protektahan ang mga komunidad at eskuwelahan sa lugar kapag tumaas ang tubig sa ilog.

“Hindi ka ba naawa sa mga estudyante diyan, saka mga tao dito? Hindi mo ba sila inisip?,” tanong ni Dizon kay DPWH-Davao Occidental District Engineer Rodrigo Lorete, na namahala sa proyekto, batay sa isang video ng GMA Integrated News.

Nang sumagot si Lorete na “Iniisip ko rin po,” napamura si Dizon.

“Pu…. ina bakit ka nagbayad nang ‘di kompleto [ang proyekto],” saad ng kalihim.

Ipinaliwanag ni Lorete na binayaran na niya nang buo ang proyekto para makahabol sa disbursement rate na hindi tinanggap na dahilan ni Dizon.

Idinahilan din ni Lorete na nasira ang flood control project sa mga nagdaang pag-ulan at nagkaroon ng problema sa quarrying sa lugar.

Inatasan ni Dizon si Lorete na isumite sa kaniya ang lahat ng dokumento sa lahat ng proyekto na hawak nito.

Nagbabala din si Dizon sa mga district engineer at Regional Director ng DPWH sa bansa na ipaalam na sa kaniya at ICI ang mga nalalaman na anomalya sa mga flood control projects, at huwag na siyang hintayin pumunta sa kani-kanilang distrito at makakita ng ghost flood control projects.

“At sinasabi ko sa inyo, wala akong pakialam kahit maubos lahat ng DE sa Pilipinas. Kahit maubos ang lahat ng RD sa Pilipinas, wala akong pakialam. Kung kailangang maubos kayong lahat, uubusin namin kayo at ipo-promote na rin natin yung maayos dito sa DPWH,” ayon sa kalihim.—FRJ GMA Integrated News