Tumaas na sa 60 katao ang nasawi sa magnitude 6.9 earthquake na tumama sa Bogo City, Cebu nitong Martes ng gabi, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
“We are receiving additional numbers of reported casualties. Kaya very fluid pa po,” sabi ni OCD officer-in-charge Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV sa press conference nitong Miyerkules.
“We are receiving reports as high as 60 individuals are reported to have perished dito sa lindol na ito,” dagdag niya.
Tumama ang magnitude 6.9 earthquake sa Bogo City dakong 9:59 p.m., ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Unang naitala ang lakas ng lindol sa magnitude 6.7 bago itinaas sa 6.9. Nasa lalim ito ng 5 kilometro at tectonic ang origin.
Sa Bogo City na sentro ng lindol, nakahilera sa labas ng isang ospital ang mga nasawi, ayon sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV sa GMA NewsUnang Balita.
Dinala naman sa iba’t ibang pagamutan ang mga sugatan.
Marami ring lumang gusali, kabilang ang mga simbahan ang napinsala ng lindol. Sa bayan ng Sogod, naging pahirapan ang pagkuha sa labi ng isang 67-anyos na biktima matapos na nadaganan ng malaking bato ang kaniyang bahay.
Sa Cebu City, nagtamo rin ng pinsala ang ilang hotel at malls. May mga dingding na nabitak, at nasira ang mga kisame dahil sa lindol, ayon sa ulat ng GMA News Unang Balita.
State of calamity
Isinailalim na sa state of calamity ng pamahalaang panlalawigan ang Cebu.
Naglabas naman ng abiso ang Archdiocese of Cebu na huwag munang magdaos ng misa sa mga simbahan na apektado ng lindol hangga’t hindi idinedeklarang ligtas na itong gamitin.
Kabilang sa mga napinsala ang Archdiocesan Shrine of Santa Rosa de Lima sa Daanbantayan.
Dama rin sa ibang lugar
Niyanig din ng lindol ang Iloilo City, at naglabasan mula sa isang condominium sa Jaro district ang mga residente, ayon sa ulat ni Kim Salinas ng GMA Regional TV.
Naramdaman din sa Bicol Region ang pagyanib, ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA Integrated News.
Sa bayan ng Oas, makikita ang pagkislap ng isang transformer.
Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na tulungan ang mga biktima ng lindol.
Nakiramay din ang pangulo sa mga pamilya na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa lindol.
Nakapagtala ng PHIVOLCS ng mahigit nang 600 na aftershocks.
Inilagay naman ng Visayas power grid sa yellow alert ngayong Miyerkoles matapos mawalan ng suplay ng koryente sa ilang planta dahil sa lindol.
Suspendido rin ang klase sa paaralan at trabaho sa ilang lugar na apektado ng lindo.—mula sa ulat nina Joviland Rita/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
