Labis ang kagalakan ng isang ina matapos siyang magsilang ng kambal sa Vinzons, Camarines Norte. Ngunit nasamahan ito ng kaba nang malaman niya na ang isa sa sanggol ay may cleft lip at palate, o hiwa sa labi at ngalangala. Ano nga ba ang sanhi ng kondisyong ito?

Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” ipinakilala ang inang si Rica Mae Dela Vega, na nagsilang sa kambal na sina Elijah at Hiraya.

Ngunit ang panganay o una niyang nilabas na si Elijah, may cleft lip at palate.

“Bale po, hindi po siya sa akin ibinigay noong ipinanganak ko kaagad. Si Hiraya lang po, ‘yung kambal niya lang po, ‘yung ibinigay sa akin,” kuwento ni Rica Mae.

“Tapos nu’ng naka-recover na po ako, ibinigay na po siya sa akin ipinakita na. Natakot po ako tapos nag-aalala po ako na ganiyan nga po 'yung kalagayan niya kasi hindi ko naman po alam na may ganiyan siya. Hindi po siya nakita sa ultrasound,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Dr. Brigitte Ricalde, pediatrician ng Operation Smile Philippines, ang cleft lip or cleft palate ay mayroong failure ng fusion ng labi or ngalangala sa formation ng baby habang nasa tiyan ng ina.

Dagdag ni Ricalde, maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng cleft lip o palate ang sanggol habang nasa sinapupunan ng ina.

“Kasi ang cause ng cleft ay puwedeng multifactorial. It’s either genetics, puwede din pong environmental factors may play a role sa development ng cleft. Environmental factors marami, puwedeng exposure to diseases, viruses, puwedeng lifestyle. Puwede rin pong iyang lifestyle sa bisyo, especially smoking, alcohol drinking po,” anang pediatrician.

Sinabi naman ni Rica na wala naman sa lahi nilang mag-asawa na magkaroon ng cleft lip at palate. Ipinagtataka pa ni Rica na walang left lip at palate ang kakambal ni Elijah na si Hiraya.

Ayon kay Ricalde, “Mayroon talagang twins na 'yung isa ay may defect, 'yung isa ay wala. Puwedeng nutrition plays a part. At saka 'yung mga prenatal check-up, puwedeng wala sila kasi noon.”

Hinala ni Rica, posibleng hindi sapat ang pag-inom niya ng mga bitamina noong buntis siya kaya nagkaroon ng cleft lip at palate si Elijah.

“Sa tingin ko po, kulang ang 'yung bitamina na nainom ko na kapag nagamot, kaya po ganiyan si Elijah. Kaso nga lang po 'yung ibang folic acid, hindi ko po naiinom lahat gawa ng nasusuka po ako, hindi po ako nahihiyang sa kaniya, lalo pa akong pumapayat,” ani Rica.

Inihayag ni Ricalde na maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng cleft lip at palate ng bata kapag kulang ang isang ina sa mga bitamina habang nagbubuntis, ngunit kailangan pa nito ng mas maraming pag-aaral.

“Particular po ang nutrition sa development ng mga baby po. So any deficiencies may contribute to the development of any anomalies sa baby po. Meron pong  studies na nagsasabi na folic acid is associated with the development of clefts. Pero marami pong kailangan i-establish para magkaroon po ng good proof na may connection po talaga,” dagdag niya. – FRJ GMA Integrated News