Dahil sa walang habas na paghuli sa kanila sa kagubatan noon, minsang nanganib na hindi na muling masisilayan ang mga ibong Siloy na mistulang musika ang huni. Ngunit nang mamulat ang mga lokal at prinotektahan sila sa kagubatan ng Nug-As sa Alcoy, Cebu, muling dumami ang kanilang populasyon at ngayo’y ibinaba na sa “least concern” mula sa dating pagiging “endangered.”
Sa nakaraang episode ng “Born to be Wild,” binisita ng host na si Doc Nielsen Donato ang kagubatan ng Nug-As, na nasa 1.6 ektarya na lamang ang lawak para personal na makita ang mga Siloy o Black Shama sa natural nilang tirahan.
Taong 2008 nang mapasama ang Siloy sa listahan ng mga endangered na hayop dahil aabot na lang sa mahigit 3,000 ang bilang nito sa kagubatan.
Ang dating hunter na si Pedro Villarta, ngayon ay tagapangalaga na ng kagubatan at mga hayop sa ilang. Sinamahan niya si Doc Nielsen sa paghahanap ng mga Siloy nagtatago sa masukal na gubat lalo na kapag umuulan.
Napag-aralan na rin ni Villarta ang tunog ng mga ibon at kaya niyang gayahin ang huni ng Siloy.
Matapos ang ilang huni ni Villarta, isang Siloy ang sumilip sa pag-aakalang isang ring ibon ang kaniyang nadinig. Ngunit kinailangan na nilang bumaba ni Doc Nielsen dahil bumubuhos na ang ulan at dumating ang hamog o fog.
Kinabukasan, bumalik sila sa gubat at muling humuni si Villarta para makahanap ng Siloy. Ang isang Siloy, hindi lang sumagot kung hindi nagpakita pa.
Ang tila itim na balihibo ng ibon, nagiging kulay asul kapag nasinagan ng araw. Maliit lamang ang tuka ng Siloy na nangangahulugang mga insekto lamang ang kinakain nito.
Kinikilala bilang last forest patch ng Cebu ang Alcoy. Tulong-tulong ang DENR, mga pribadong sektor, at mga lokal para mas lumago ang kagubatan.
Makalipas ang halos 17 taon, ibinaba ng International Union for Conservation of Nature o IUCN nitong taon ang estado ng Siloy bilang “least concern” mula sa pagiging “endangered.” Muli nang dumami ang Siloy sa natitirang gubat ng Cebu.
Nagtutulong-tulong din ang komunidad nina Villarta para mapangalagaan ang Siloy, gaya ng pagsasanay ng volunteer para sa wildlife ID.
“Nalaman namin ang mga kamalian na ginagawa namin noon,” sabi ni Villarta.
Ipinagdiriwang ng Alcoy ang pagbabalik ng Siloy, para higit na makilala at maprotektahan ang natatanging ibon sa kanilang bayan.
“Mahalaga ‘yun. Itong mga klase, dito lang ‘yun makikita. Kailangan natin paramihin ito para ma-preserve natin sa mahabang panahon at makita pa ng mga bago lang na isinilang ngayon,” sabi ni Villarta. – FRJ GMA Integrated News
