Inihayag ni Jasmine Curtis-Smith ang kaniyang labis na pagkadismaya sa mainit na isyu ng katiwalian sa flood control projects na nasasangkot ang ilang opisyal sa gobyerno at mga pribadong kontratista.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, binanggit ni Tito Boy na naantig siyang makita si Jasmine bilang isa sa celebrities na sumali sa Trillion Peso March sa EDSA noong Setyembre upang batikusin ang nangyayaring korupsiyon sa pondo ng bayan.
Inilahad ni Jasmine ang kaniyang galit tungkol sa sitwasyon, lalo na para sa mga kabataang nag-aaral.
“Sa tingin ko Tito Boy, bukod sa galit, I'm so sad. I'm so sad kasi 'yung mga estudyante natin, 'yung mga pamilya na tuwing bagyo, walang proper access sa pag-aaral, sa daan na puwede nilang gamitin pangtawid papuntang eskuwelahan,” sabi niya.
Inalmahan rin ng aktres ang kasakiman umano ng ilan kaya hindi nakararating sa mga mamamayan ang mga pangunahing pangangailangan na para sa kanila.
“Galit na galit ako kasi these are basic things and we see it year after year. Pero walang bagong nangyayari, wala silang ginagawang changes and they keep on becoming even greedier year after year nakikita natin ‘yun. How selfish,” sabi pa ni Jasmine.
“Nakaka-confuse paano nila nasisikmura ‘yun, Tito Boy?,” dagdag pa niya.
Si Klea Pineda, na kasama rin ni Jasmine bilang guest, apektado rin sa isyu.
“Of course. Siyempre… Sinong hindi magagalit sa ganu’n?” sabi ni Klea.
Para makasuhan ang mga sangkot sa katiwalian sa isyu ng flood control projects, binuo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Independent Commission for Infrastructure.
Samantala, magkasama sina Jasmine at Klea sa Cinemalaya 2025 entry na “Open Endings,” na kinabibilangan din nina Janella Salvador, at OPM singer na si Leanne Mamonong. – FRJ GMA Integrated News
